PBAPC PLAYER OF THE WEEK SI MALONZO

SINANDIGAN ni Jamie Malonzo ang impresibong simula ng NorthPort sa PBA Philippine Cup.

Sa kanyang sophomore year ay iniangat ng Fil-Am wingman ang kanyang laro at isa siya sa mga dahilan ng malinis na marka ng Batang Pier sa kaagahan ng conference.

Si Malonzo ay may average na all-around game na 18.5 points, 15.5 rebounds, 2.0 assists, 2.5 steals, at 1.0 block shots sa unang dalawang laro ng koponan na nagresulta sa mga panalo kontra Rain or Shine (91-84) at Terrafirma (100-86).

Ang Batang Pier ay may 2-0 record kasalo ang San Miguel sa liderato sa unang linggo ng season-opening meet.

Ang impresibong performance ni Malonzo ay nagbigay sa kanya ng unang Player of the Year honor sa season mula sa PBA Press Corps.

Patunay sa malakas na presensiya ni Malonzo sa loob ay ang kanyang league-leading 15.5 rebound average per game sa kaagahan ng season.

“Kapag rumi-rebound siya ang dali naming manalo. Siya talaga ‘yung isa sa mga key pieces namin. Kapag rumi-rebound siya, nakakatakbo kami,” wika ni teammate Robert Bolick patungkol sa 6-foot-7, high-flying forward. “Maganda ‘yung mindset niya, ‘pag sinabi mo, gagawin talaga niya.”

Si Malonzo ay tabla rin sa no. 3 sa steals na may 2.5 per game, ninth sa scoring sa 18.5 points, at 10th sa block shots na may 1.0 per outing.

Tinalo niya ang San Miguel duo nina Vic Manuel at CJ Perez para sa weekly plum.

Ang iba pang kinonsidera para sa award ay sina Bolick, June Mar Fajardo at Chris Ross ng San Miguel, Meralco’s Chris Newsome at Reynel Hugnatan, at ang trio nina Christian Standhardinger, Scottie Thompson, at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.