SUMANDIG ang Barangay Ginebra kay Scottie Thompson para makausad sa semifinals ng PBA Governors’ Cup.
Nahaharap ang defending champions sa pagkakasibak dahil sa twice-to-win disadvantage, ibinuhos ni Thompson ang lahat ng kanyang lakas at pinangunahan ang kahanga-hangang pagsampa ng Kings sa best-of-five semifinals.
Ang do-it-all guard ay nagtala ng near triple-double average sa dalawang do-or-die games para sa sixth-seeded Gin Kings laban sa no. 3 TNT Tropang Giga sa kanilang quarterfinals series.
Nakalikom si Thompson ng superb all-around numbers na 20.0 points sa 14-of-27 clip, 12.5 rebounds, at 8.5 assists sa dalawang laro para mapiling Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na March 16-19.
Ang dating NCAA MVP mula sa Perpetual University ay may 23-15-8 stats line bukod pa sa dalawang blocks sa Game 1, kung saan naipuwersa ng Ginebra ang knockout match laban sa pinapaborang Tropang Giga sa likod ng 104-92 panalo.
Sa kanilang sumunod na laro ay nagtala rin siya ng near triple-double na may 17 points, 10 rebounds, at 9 dimes na sinamahan ng dalawang steals sa 115-95 panalo ng Kings para sibakin ang Tropang Giga at umabante sa ‘Final Four’.
Ang versatile na si Thompson ay naging pangunahing defender din kontra TNT rookie ace Mikey Williams.
Subalit higit sa lahat, ang panalo ay nagsilbing payback para sa Ginebra makaraang maagang mapatalsik sa Philippine Cup quarterfinals na may kaparehong twice-to-win handicap laban sa No. 1 seed at eventual champion TNT.
Para kay Thompson ay isa rin itong redemption.
“Ako personally, nasa utak ko motivated ako coming into this series kasi last bubble wala ako nun,” anang Ginebra guard, na hindi nakapaglaro sa quarterfinals ng all-Filipino playoffs sa Bacolor, Pampanga makaraang malagay sa health protocols ng liga.
“Hindi ako nakalaro ng quarterfinals noon, ‘yun ang extra motivation sa akin coming to this series.”
Sisimulan ng Gin Kings at Road Warriors ang kanilang best-of-five semis sa Miyerkoles. CLYDE MARIANO