(PBAPC Player of the Week) THE BEST SI ‘THE BEAST’

Calvin Abueva

LAKAS, bilis at katatagan ang mga katangian na hinahanap ng Magnolia kaya nagpasiya itong kunin si Calvin Abueva.

At sa kasalukuyan ay inaani ng Hotshots ang bunga ng kanilang off-season gamble.

Pinatunayan ni Abueva ang kanyang pagiging ‘The Beast’ sa PBA Philippine Cup playoffs, kung saan pinangunahan niya ang Magnolia sa pagwalis sa Rain or Shine sa kanilang best-of-three quarterfinals series, at pagkatapos ay sinandigan ang kanyang koponan sa krusyal na sandali sa Game 1 ng semifinals matchup nito sa Meralco sa kabila na nasa foul trouble para sa 88-79 panalo.

Dahil sa kanyang kabayanihan ay napili si Abueva bilang Cignal Play-PBA Press Corps’ Player of the Week para sa period na Sept. 29-Oct. 3.

Sa naturang stretch, ang 33-year-old forward ay may average na 16.5 points at  13.0 rebounds, habang bumuslo ng 52 percent mula sa  floor.

Si Abueva ang naging instrumento sa 96-86 panalo ng Hotshots kontra Elasto Painters sa Game 2 ng kanilang series kung saan tumapos siya na may 20 points at humugot ng 19 rebounds.

Pagkalipas ng tatlong araw, nalusutan ng nangungunang kandidato para sa Best Player of the Conference award ang foul trouble at sinindihan ang 20-3 run habang binura ng Hotshots ang six-point deficit upang kunin ang 83-72 kalamangan, may tatlong minuto ang nalalabi sa kanilang series opener kontra Bolts.

Sinelyuhan ni Abueva ang run sa pamamagitan ng slam dunk kung saan naitala niya ang pito sa kanyang kabuuang 13 points sa fourth quarter.

“Calvin adds toughness. ‘Yung sistema kasi namin bagay na bagay sa kanya. That’s why nung nakuha namin siya, hindi siya nahirapang mag-adjust. ‘Yun kasi ang laro niya,” sabi ni coach Chito Victolero, na kinuha si Abueva sa off-season trade sa Phoenix para kay guard Chris Banchero.

Bukod kay Abueva, ang iba pang kinonsidera para sa weekly honor na ipinagkakaloob ng mga nagko-cover ng PBA beat ay sina Magnolia teammates Paul Lee at Ian Sangalang, at ang TnT Tropang Giga trio nina Roger Pogoy, Troy Rosario, at Jayson Castro. CLYDE MARIANO

3 thoughts on “(PBAPC Player of the Week) THE BEST SI ‘THE BEAST’”

Comments are closed.