PBB HOST, NALIKHA ANG 28 SQUARED STUDIOS DAHIL SA BOREDOM

NENET L. VILLAFANIA

Chief-executive officer ng 28 Squared Studios ang actor-host na si Richard Juan, isang kumpanyang mahusay sa video production, digital marketing, at talent management.

Isa sa mga layon ng kumpanya ni Richard na makagawa ng content na Pinoy na Pinoy pero world-class.

Nagsimula lang ito noong pandemia dahil wala siyang magawa. Noong una, pinilit ng ABS-CBN host/actor na alisin ang boredom sa pamamagitan ng pag-aaral ng Korean. Natuto naman siya, pero parang kulang. Kaya nagsimula siyang magplano ng negosyo, dahil tingin niya ay magtatagal pa ang pandemic.

Doon siya nagsimulang gumawa ng video production at digital media, at unti-unti, napagbuti nila ito. Eventually, pinangalanan niya itong 28 Squared Studios at nagsimula na ring tumanggap ng kliyente. Tinawag raw niya itong 28 Squared dahil ang birthday niya ay August 2. Two and eight, na para sa kanya ay ang kanyang semi-lucky number, dahil 2+8=10, kaya perfect. Besides, sa Cantonese daw, ang 28 ay ‘yi baat’ na ang ibig sabihin ay ‘easy to be rich.’ Squared dahil 28 years old siya at ganoon din ang kanyang business partner kaya saktong-sakto.

Isa pa umanong dahilan ay ang pagiging infinity sign ng number 8, meaning boundless opportunity for progress.

Sabi pa ni Richard, four weeks lagi ang target time nila para mag-produce ng videos para sa mga kliyente, na equivalent din sa 28 days.

So far, marami na umano silang kliyente, kasama na ang Hong Kong Tourism Board, isang Thai company, at isang skin-care brand.

Ang kanyang amang si Nixon Juan ang nakaimpluwensya kay Richard na magtayo ng sariling negosyo. Negosyante ang kanyang ama kaya lumaki siyang nakikita ito kung paano mag-manage ng business, at iyon daw naman talaga ang plano niya noong bagong graduate pa siya sa UP. Yun nga lang, hindi agad ito natuloy. Pero better late than never.