PBBM AT FILIPINO TIME

BAKIT ba tinawag na ‘Filipino time’? Nagsimula ito noong panahon na sinakop tayo ng mga Amerikano.

Kadalasan kasi, ang mga kausap nilang mga Pilipino ay palaging atrasado dumating sa takdang oras na pinagkasunduan. Kaya binansagan ng mga Amerikano ang kaugalian nating mga kababayan na ‘Filipino Time’.

Tila hindi nawala ang kaugaliang ito ng mga Pilipino hanggang ngayon. Para bang tanggap natin kapag ang kausap natin ay ‘late’ dumating sa usapan maski na umabot pa ng mahigit isang oras.

Sa ibang bansa, hindi katanggap-tanggap ang ganitong kaugalian. Nagkaroon ako ng karanasan sa mga banyagang kaibigan na talagang tinutupad nilang dumating sa takdang oras ng usapan. Kung minsan pa nga ay mas maaga pa sila dumating ng ilang minuto. Hindi sila sanay gumamit ng rason o dahilan kung bakit sila ‘late’. Isinama na nila ang posibleng traffic sa lansangan, hindi tulad nating mga Pilipino na palaging ginagamit ang dahilan na trapik kapag na- late dumating sa usapan. Kasama na ako dito.

Subalit maaaring magtaka kayo kung ano ang kinalaman o kaugnayan ng “Filipino Time” kay Pangulong Bongbong Marcos. Iniuugnay ko ito sa mabagal na paglabas ng mga presidential appointments mula sa Malacañang.

Dyuskupo. Mahigit limang buwan na ang nakalipas ay wala pa ring nakatalagang mga kalihim ng Department of Health (DoH) at Department of National Defense (DND). Dagdag pa dito ay marami sa mga inilagay ng Palasyo na namumuno sa mga ahensiya ng gobyerno ay officer-in-charge o kaya naman ‘acting capacity’ lamang. Bakit kaya?

Kadalasan ay ang mga lumalabas na presidential appointments ay mas naging kontrobersyal pa imbes na mapanatag ang loob ng sambayanan. Ang tinutukoy ko ay ang mga kontrobersoyal na pag-appoint ng mga undersecretaries at general manager sa DoH at DOTr. Sana naman ay huwag na ito madagdagan pa.

Ilang beses ko nang tinalakay ito sa aking kolum. Bakit ‘Acting’? Bakit ‘OIC’? Sa mahigit na limang buwan ay wala pa bang matibay na desisyon si PBBM upang magtalaga ng magaling na opisyal sa mga ahensiya ng gobyerno? Pati ang ilan mga ahensiya ng gobyerno na kailangan ng mga commissioners o kaya naman director ay kulang-kulang. Paano uusad ang mga plano at programa nila kapag hindi makapagpasa ng mga board resolutions? May Chairman o Presidente ka nga ng mga ahensiya ng gobyerno subalit nakanganga sila.

Nananawagan ako kay PBBM at sa kanyang mga opisyal na kasama sa pagpili ng mga opisyal ng ating pamahalaan. Huwag naman sana mawala ang tiwala namin sa gobyernong ito dahil sa kupad ng aksiyon ng administrasyon ni PBBM. Binigyan na kayo ng malaking puhunan. Mahigit na 31 million ang bumoto kay PBBM. Nagbigay ng tiwala ang mga Pilipino sa kanya. Kayong nasa paligid ni PBBM ay hindi ibinoto ng sambayanan. Ayusin ninyo at tulungan ninyo si PBBM. Huwag pansarili ang isipin ninyo. Ang kaugalian na ‘Filipino Time’ ay angkop lamang sa takdang oras ng pagdating sa usapan. Hindi ginagamit ang ganitong kaugalian pagdating sa kinabukasan ng ating bayan. Palagay ko ang sentimyentong ito ay nararamdaman ng karamihan ng ating mga kababayan.