PBBM AT SARA DAPAT NANG MAG-USAP

Joseph Victor Ejercito

KASUNOD  ng umuugong na hidwaan sa pagitan nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte, hinimok ni Senador JV Ejercito ang pangalawang pangulo na direktang makipag- usap sa Pangulo hinggil sa kanyang pagtutol sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front (NDF) .

Ayon kay Ejercito, ito ay para matuldukan ang mga espekulasyon na mayroon silang hidwaan at maghihiwalay na sila ng landas sa pulitika.

Idinagdag pa ng senador na hindi ngayon ang tamang panahon para magbanggaan sina Marcos at Duterte dahil maraming problema at hamon ang kinakaharap ng bansa na dapat pagtuunan ng pansin.

Ito ang reaksyon ni Ejercito matapos na ihayag ni Duterte na “agreeemnt with the devil” o pakikipagkasundo sa demonyo ang balak ng administrasyon na muling buhayin ang peace talks sa NDF dahil hindi naman naging tapat sa pakikipag- usap ang mga ito sa pamahalaan at tutol din ang Bise Presidente na bigyan ng amnestiya ang mga rebelde.

Samantala, sinabi naman ni dating Senador Leila de Lima, tagapagsalita ng Liberal Party na ang problema sa pahayag ni Duterte tungkol sa peace talks ay nanatili siyang miyembro ng Gabinete.

Paliwanag pa ni de Lima na ang usapin tungkol sa peace talks ay hindi pangunahing kakayahan ng kanyang posisyon bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Kaya giniit ng dating senador na dapat na magbitiw na si Duterte bilang kalihim ng Deped at maaari lamang niyang i-critized ang mga polisiya ng Pangulo kapag hindi na siya miyembro ng gabinete.
LIZA SORIANO