(PBBM binati sa matagumpay na working visit) PH NAILAGAY SA WORLD INVESTMENT MAP

WALANG oras na sinayang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa loob ng anim na araw na ginugol nito para sa kanyang working visit sa Estados Unidos, kung saan nagkaroon ito ng pakikipag-ugnayan sa Filipino communities at American investors doon, dumalo rin sa 77th United Nations General Assembly (UNGA) at nagkipagpulong kay President Joe Biden.

Ito ang paglalarawan ni Speaker Martin G. Romualdez (Leyte 1st. Dist.) sa katatapos na foreign visit ni Pangulong Marcos kasabay ng pagpapaabot niya ng malugod na pagbati sa huli sa matagumpay na pagbiyahe sa Amerika.

“The President wasted no time in his efforts to put the Philippines again in the investments map of the world. At a time when nations struggle to bounce back from the ill effects of the pandemic on economies, our President hit the ground running and worked almost round the clock to bring home much-needed investments,” ang sabi pa ng lider ng Kamara.

Ayon kay Romualdez, sa 6-day US working visit na ito ng Punong Ehekutibo, kasama ang ibang miyembro ng kanyang gabinete, ay nagkaroon ng formal and informal bilateral meetings ang delegasyon ng bansa sa mga lider ng itinuturing na key allies ng Pilipinas, partikular ang Amerika at bansang Japan.

Kabilang sa nasabing delegation sina Romualdez, Finance Sec. Benjamin Diokno, Budget Sec. Amenah Pangandaman, Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual, National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, Presidential Management Staff Sec. Ma. Zenaida B. Angping, Tourism Sec. Christina Frasco, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe M. Medalla, Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel G. Romualdez, Special
Assistant to the President Anton Lagdameo, Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, Press Sec. Trixie Cruz-Angeles, at iba pa.

Setyembre 18 nang lumipad si Presidente Marcos papuntang New York City upang dumalo sa UN General Assembly at nakaharap si UN Secretary-General Antonio Guterres kung saan muli niyang iginiit ang matibay na partnership sa pagitan ng bansa at ng UN.

Nakapagtalumpati rin ang Chief Executive sa harap ng global investors, traders at iba sa New York Stock Exchange (NYSE) kung saan inimbitahan ito sa tradisyunal na pagpapatunog ng bell bilang senyales sa pagbubukas ng trading floor doon.

Sa kanyang mensahe ay hinimok ni Pangulong Marcos ang US investors at iba pang foreign businesses na bisitahin ang Pilipinas at gamitin ang malaking potensiyal ng bansa bilang isa sa Asia’s fastest-growing economies.

“President Marcos also met a number of business leaders from different companies who committed to be a part of the Philippine development and economic growth.” Ayon pa kay Romualdez.

Kaya naman tahasang sinabi ng House Speaker, na kasama ang naunang matagumpay ding state visits sa Indonesia at Singapore, kung saan bitbit pauwi ni Marcos ang higit sa $14 billion investment pledges, ang US working visit na ito ng Punong Ehekutibo ay naglagay sa Pilipinas sa world investment map, na makatutulong para sa lalong pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa at sa paglikha ng maraming trabaho para sa kapakinabangan ng buong sambayanang Pilipino.

“We at the House of Representatives will help in making these investment pledges come to fruition. If the President needs any piece of legislation to materialize the objectives of these bilateral trade and investment agreements, we will answer the call,” mariing pahayag ni Romualdez.

“What is important is we all do our share in nation-building. We all hope to capitalize on the early gains of the Marcos administration in order to steer our economy back to its pre-pandemic growth,” pagtatapos ng Leyte 1st. Dist. lawmaker. ROMER R. BUTUYAN