BINATI ni House Ways and Means Chair Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) si Pangulong Bongbong Marcos sa matagumpay na pagsisikap niyang i-host ng Pilipinas ang susunod na pulong ng ‘Loss and Damage Fund (LDF) Board’ sa ilalim ng ‘United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).’
“Malaki ang maitutulong nito sa Pilipinas na mapalapit sa mga pondong laan sa mga programang ‘climate change adaptation and mitigation,’” ayon kay Salceda na naging unang Asianong ‘co-chairman’ ng UN Green Climate Fund na ngayon ay tinagurian nang LDF. Inihalal siya sa naturang katungkulan ng 180 mga bansa noong 2013.
“Bilang dating delegado sa UNFCCC, kasama ng ibang mga expertong Pilipino, ipinaglaban namin ang prinsipyong ‘loss and damage’ ng ‘climate change’ at kung bakit kailangan itong bayaran,” sabi niya.
Ipinaliwanag ni Salceda na malubha ang mga kasiraan at pagkaluging dulot ng ‘climate change’ sa kabila ng mga pagsisikap na mapagaan ang mga epekto nito, na bunga ng mga kasalanan ng mga industriyalisado at mayayamang bansa.
“At dahil nga sa hindi ito maiwasan at tukoy naman ang pinagmumulan, ang prinsipiyo ay dapat bayaran ng mayayamang bansa ang pasakit at hirap na ipinapatong nila sa mga bansang napapahirapan,” giit ni Salceda.
Bilang kauna-unahang Asianong ‘co-chairman’ ng ‘UNFCCC Green Climate Fund,’ kinilala si Salceda sa matagumpay na pangangasiwa sa lupon nito na makumpleto ang walong mga kondisyon upang magkabisa at makapagsimula ang naturang ahensiya ng UN. Tinanggap niya ang parangal sa isang pulong ng kanilang lupon sa Bali, Indonesia matapos matiyak na magkakaroon na ng US$13 bilyon ang UNFCCC para sa ‘Initial Resource Mobilization’ nito sa Oslo, Norway.
Pinarangalan din si Salceda dahil sa mga tagumpay na ito sa ‘Conference of Parties (COP) 20’ na ginanap sa Lima, Peru noong 2014, kung saan itinalaga rin ang susunod na pulong nito sa Legazpi City, Albay, ngunit hindi natuloy dahil sa isang malupit na bagyo.
Masugid na hinikayat ni Salceda ang administrasyong Marcos na maging agresibo sa mga paninindigan nito kaugnay sa ‘loss and damage’ sa pulong ng LDF Board sa ginanap sa Pilipinas noong 2022 matapos salantain ni Typhoon
Paeng ang bansa. Kabilang ang Pilipinas sa LDF Board.
Tumanggap ang LDF ng paunang US$700 milyong pangakong ambag mula sa ilang mayayamang bansa, ngunit ayon sa mga eksperto, katumbas lamang ito ng 0.2 porsiyento ng mga kasiraang idinudulot ng ‘climate change’ sa mahihirap na bansa taon-taon.
“Matibay ang karapatang moral ng Pilipinas sa mga usaping kaugnay sa klima o panahon. Tayo ang pinaka-‘climate-vulnerable’ na bansa sa mundo. At pandaigdigang lider din tayo sa ‘Disaster Risk Reduction (DRR) and climate change adaptation,’” pahayag ni Salceda.
“Ang pagho-‘host sa pulong ng LDF Board ay nagbibigay sa atin ng plataporma upang mabigyang diin ang tindi ng mga problemang likha ng ‘climate change’ kaya may karapatan tayong humingi ng mabisa at sapat na aksiyon mula sa mayayamang ekonomiya na siyang nakikinabang sa ibinubuga nilang ‘carbon emissions’ sa mundo,” dagdag niya.