PBBM DISMAYADO

DISMAYADO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tangkang panlilinlang sa kanya at publiko hinggil sa muntik nang pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal na nakapaloob sa isang resolusyon na galing mismo sa Department of Agriculture.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz Angeles, nababahala ang Pangulo sa tangkang iligaw siya sa mga ginagawa sa Sugar Regulatory Board.

Gayunman, nanindigan ang Malacanang na patuloy na binabalanse ni Pangulong Marcos ang lahat dahil may ibang mga bagay pa itong dapat na tutukan.

Sa personal na Facebook account ni Angeles ay kinumpirma nito na natanggap na ng Malacanang ang resignation letter ni Agriculture Usec. Leocadio Sebastian na siyang nag-covene ng Sugar Regulatory Board para ilabas ang resolusyon na mag-aangkat ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal na taliwas sa utos ni PBBM.

“The President is also concerned about other things, hindi lang naman ito -yung insidente so he has to balance everything. Malaking bagay ito because there appears to be an intent to mislead him. Yung magko-convene ka, magkakaroon ng resolution tapos anong gagawin niya? Is he supposed to uphold that? Is he suppose to go along with it? He trust na this board can work on their own even if he has no explicit authority given to these people so siyempre nakakasama talaga ng loob yon,” ani Angeles.

Gayunman, sinabi ni Angeles na nais ng Presidente na gumulong ang imbestigasyon sa nabunyag na kontrobersiya at tiniyak na hindi ito makikialam sa ginagawang imbestigasyon.

Tiniyak ni Angeles na makakaasa ang publiko ng patas na imbestigasyon laban sa mga opisyal na sangkot sa illegal na pagpapalabas ng resolution sa SRB para sa planong pag-angkat ng dagdag na supply ng asukal sa bansa dahil sa mataas na presyo nito.

“The President is objective, he is leaving the investigation to be conducted without his interference.

Kailangan fair and he will attend to other matters habang ginagawa po yan,” dagdag ni Angeles.

Paglilinaw pa ni Angeles sa kanyang FB na hindi direksyon ng PBBM administration ang sugar importation at Ito ay gagawin lamang bilang urgent measure para hindi maapektuhan ang local production.

Nagtataka rin aniya ang Malacanang kung bakit ikinokonek si Executive Secretary Vic Rodriguez sa isyu gayung ipinaalam lang aniya nito ang direktiba ni PBBM na gumawa ng importation plan kung saan paplanuhin kung kailangan o kailan nararapat mag-angkat ng asukal para ipuno kung may kakulangan.

“Iba po ang sugar importation order at importation plan na utos ng Pangulo na ini-relay naman ni ES,” ayon kay Angeles. EVELYN QUIROZ