KINIKILALA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahalagang ginagampanan ng mga kompanya ng cable television, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Kaya naman, sa kanyang pagdalo sa ika-23 International Cable TV and Telecommunications Congress and Exhibit ng Federation of International Cable Television and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) sa Manila Hotel kamakailan ay kanyang hiniling na makipagtulungan ang mga ito sa gobyerno.
Partikular, aniya, sa pagpapatuloy ng mga inisyatiba ng digitization nito, pagpapalawak ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) at ang pagtatatag ng mga teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon sa mga malalayong lugar sa bansa.
“I ask you to closely collaborate with the government in pursuing initiatives for the digitization of our services, the expansion of our MSMEs, and the establishment of information and communications technologies in remote areas in the country,” bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.
DUMALO sa 23rd International Cable and Telecommunications Congress and Exhibit na pinangasiwaan ng FICTAP sa Manila Hotel ang key officials ng Aliw Broadcasting Corporation, sa pangunguna nina Chairman D. Edgard A. Cabangon (ika-3 mula sa kaliwa); Sharon Tan (gitna); Dennis Antenor, VP for Business Development and TV/ Digital Manager (kaliwa); Atty. McNeil Rante, Executive Vice President at General Manager (ikalawa mula sa kaliwa); Evelyn Quiroz, PILIPINO Mirror reporter (ikatlo mula sa kanan); Mr. Marvin Estigoy, VP for Sales (ikalawa mula sa kanan); at Gilbert Perdez, DWIZ reporter (kanan). Kuha ni RUDY ESPERAS
Ayon sa Punong Ehekutibo, kung nais na mapanatili ang lumalagong ekonomiya, dapat tulungan ang mga maliliit hanggang katamtamang mga industriya sa paggamit ng mga digital na platform upang mapabuti ang mga serbisyo nito at upang kumonekta sa kanilang mga mamimili, gayundin sa kanilang mga kasamahan sa parehong industriya o sa parehong linya ng negosyo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na itinuloy ng gobyerno ang mga pangunahing hakbangin tulad ng National Broadband Program, Free Wi-Fi for All Program, ang Luzon Bypass Infrastructure at ang pagtatatag ng shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure Sites, at iba pa.
Giit pa ng Chief Executive na ang mga hakbangin na ito ay bubuo ng digital na imprastraktura ng bansa at makakamit ang mga target nito sa Philippine Development Plan 2023-2028
Sinabi ng Pangulo na ang industriya ng cable television at cable internet ay hindi lamang nagpabago at nagmoderno sa lipunan ng Pilipinas kundi nagsilbing mahalagang plataporma na nagbigay-daan sa mga tao na mabuhay sa panahon ng mga kalamidad at emergencies.
“This crucial role of your industry was highlighted and shown in its true importance during the recent Covid-19 pandemic, when you provided hope to many of your fellow Filipinos that utilized your… services and facilities” sabi ni Pangulong Marcos.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang FICTAP sa pagsisimula ng pagtitipon kasabay ng pagtiyak sa organisasyon na ang kanyang administrasyon ay magiging katuwang sa pagpapabuti ng bilis, reliability, affordability at accessibility ng internet at communications services.
MAINIT na sinalubong nina Aliw Media Group Chairman D. Edgard A. Cabangon at Ms Sharon Tan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang pagdating sa Manila Hotel.
Nanawagan din si Pangulong Marcos sa sektor ng cable at telecommunications at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na patuloy na ihanay at pagsabayin ang kanilang mga plano at programa para mapahusay ang access ng publiko sa information and communications technology, gayundin ang pagbibigay ng pinakamahusay na digital services sa mga Pilipino.
Kabilang ang Aliw Broadcasting Corporation na binubuo ng ALIW CHannel 23, DWIZ, at 97.9 Home Radio na pinamumunuan ni D. Edgard A. Cabangon sa media partners na lumahok sa ginanap na exhibit sa nabanggit na pagtitipon.
EVELYN QUIROZ