TUMULAK sa Saudi Arabia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 1st 2023 Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council Summit (Asean-GCC).
Kasama ni Pangulong Marcos si First Lady Atty. Liza Araneta-Marcos at mga miyembro ng gabinete sa pangunguna nina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Finance Secretary Benjamin Diokno.
Ang pagtungo ng Pangulo sa Saudi Arabia ay ang kauna-unahang Summit na magsasama ang ASEAN at Gulf countries para sa partnership at kooperasyon para sa mas matatag na ugnayan at pagpapalakas ng pandaigdigang ekonomiya.
Inaasahang matatalakay ng Pangulo ang Maharlika Investment Fund sa sidelines ng GCC-ASEAN Summit sa makakausap na mga negosyante o possible investors para sa Pilipinas.
Sa kanyang departure speech, idiniin ng Punong Ehekutibo, ang kahalagahan ng relasyon ng dalawang bansa para sa ekonomiya at maitatag ang kooperasyon at partnership sa mga bansa sa Gitnang Silangan at makaakit ng mas maraming pamumuhunan.
Samantala, kinontra rin ng Pangulo ang ulat hinggil sa MIF na pinatigil ito sa halip ay nasa improvement stages o palalakasin pa para sa pakinabangan ng lahat.
Inaasahan din na magkakaroon ng bilateral meetings si Pangulong Marcos sa ibat’ ibang opisyal at malalaking Arab business leaders mula sa KSA at Bahrain.
Kasama rin sa itinerary ng Pangulo ang makaharap ang Filipino community sa Saudi para kumustahin ang mga ito at ipabatid ang mga ginagawa ng gobyerno para sa bansa at sa mga Pilipino.
Isusulong din ng Presidente ang hinihintay na backwages ng mahigit sampung libong OFWs na hindi nabayaran ng kanilang mga nagsarang kompanya. EVELYN QUIROZ