SUPORTADO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) at kanya itong iginiit nang dumalo sa graduation ceremony ng unang batch ng Bangsamoro Police Basic Recruit Course (BPBRC) sa Camp BGen. Salipada K. Pendatun, sa Parang, Maguindanao del Norte.
“Ika-apat at pang-huli, hangga’t tunay at tapat kayo sa inyong mga tungkulin bilang miyembro ng kapulisan, buong-buo ang aking suporta sa inyo. Magkatuwang tayo sa pagsisikap na mabigyan ang bawat Pilipino ng payapa at masaganang buhay,” anang Pangulo.
Ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag bilang bahagi ng apat na pointers sa pagtatapos ng Batch 2023-01 Class Alpha-Bravo “Bakas-Lipi.”
Una rito ay pinaalalahanan ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng klase ng Bakas-Lipi na sila ay tinanggap sa BPBRC dahil sa kanilang pagkatao at sa kanilang hindi natitinag na pagnanais na suportahan ang BARMM.
“Ang ibig sabihin nito, anuman ang inyong pinaghirapan at natamasa, ang inyong integridad pa rin ang susi sa inyong tagumpay. Sikapin ninyong tuparin ang manatiling pundasyon ng inyong trabaho at serbisyo mula ngayon,” anang Pangulo.
Pangalawa, binigyang-diin ng Pangulo ang katapangan at determinasyon ng Bakas-Lipi na nag-udyok sa kanila na itulak ang kanilang mga limitasyon at harapin ang pang-araw-araw na hamon sa kurso.
“Pangatlo, ngayong dala-dala na niyo ang bagong kaalaman tungkol sa pagpupulis at sa batas ng BARMM at ng Pilipinas, hindi dapat natatapos ang pagpapaunlad ninyo sa inyong mga sarili. Patuloy na pagalingin ang inyong kakayahan at kasanayan nang tumaas ang kalidad ng inyong serbisyo,” dagdag nito.
Ang BPBRC Batch 2023-01 Class Alpha-Bravo “Bakas-Lipi” ay tumatayo sa Bangsamorong Kapulisan Sandigan ng Lipunang Pilipino.”
EVELYN QUIROZ