(PBBM kumpiyansa) AGRIBUSINESS, HALAL INDUSTRY SA PH LALAKAS

BANDAR SERI BEGAWAN – Tiwala  si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lalakas ang agribusines at maging ang Halal industry sa Pilipinas makaraan ang kanyang pakikipagpulong dito na magreresulta ng paglago ng ekonomiya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa kanyang talumpati sa harap ng Philippine Business Forum sa Brunei, muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pangako na regional economic integration sa maraming larangan, at inihalimbawa ang kahanga-hangang kuwento ng tagumpay ng fastfood Filipino chain na Jollibee sa Brunei.

Ayon sa Pangulo, 19 Halal-certified ang mga outlet ng nasabing fast food chain na sumasalamin sa pagkikilala ng Pilipinas sa paniniwala ng Brunei.

“I am delighted to share the positive developments from the Philippines and to discuss how we can advance and strengthen our collaboration with Brunei, leveraging the benefits of our partnership through ASEAN, the Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement or RCEP, and the Brunei Darussalam- Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area, BIMP-EAGA, for a prosperous shared future,” ayon sa Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na nakikita ng Pilipinas ang malawak na potensiyal sa mga sektor tulad ng agri-business, renewable energy at Halal industry development.

“And through this forum, we stand firm in strengthening the business relations between the Philippines and Brunei Darussalam. Our partnership is a symbol of the shared aspiration to foster economic growth and shape a more vibrant ASEAN community,” dagdag pa ng Pangulo.

 Sinabi ng Chief Executive na ang trade and investment policy framework ng Pilipinas, na itinatag sa pamamagitan ng ASEAN at RCEP, ay mahalaga sa agenda ng bansa para sa regional economic integration.

  Nananatili ring positibo ang pananaw ng Pangulo na ang mga pagsisikap ng gobyerno ay suportado ng additional policy measures para sa pagpapalakas  ng supply chain sa Pilipinas na nagpapalakas ng foreign direct investment.

 Ang Pangulong Marcos ay nagtalumpati sa Philippine Business Forum na bahagi ng kanyang pagsisikap na mapalakas ang ekonimiya ng Pilipinas, gayundin ang mag-anyaya ng mga pamumuhunan na nakatuon sa agribusiness, renewable energy, halal development, at  opportunities sa BIMP-EAGA region.

Ang forum ay inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at Brunei Economy Program na suportado ng Philippine Embassy dito.

EVELYN QUIROZ