NAKATAKDANG mamili at humirang ng bagong Philippine Coast guard Commandant ang Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa susunod na mga araw.
Bunsod ito ng nakatakdang pagreretiro ni Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu sa darating na Oktubre 19.
Nabatid na limang senior officers ng Philippine Coast Guard ang kabilang sa tinaguriang short list ng Pangulo para sa babakantehin ni Abu.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, kabilang sa mga napipisil na pumalit kay Abu ay sina Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan, Vice Admiral Ronnie Gil Gavan, Vice Admiral Joseph Coyme, at Vice Admiral Allan Victor Dela Vega, at Vice Admiral Roy Echeverria.
Nilinaw ni Balilo na dadaan pa ang mga nominado sa mabusising proseso at isasailalim ang mga ito sa ‘series of interviews’ at nakatakda rin humarap sa senior leadership ng Department of Transportation bago mag-endorso ang ahensiya ng mga pangalan sa Office of the President.
Ngunit nilinaw ni Balilo na sa kabila ng endorsement ng DoTR ay prerogative din ng Pangulo na magtalaga ng bagong commandant ng PCG bukod sa limang senior officers na kabilang sa sinasabing shortlist o nominado sa posisyon.
VERLIN RUIZ