PANGUNGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ang pamamahagi ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) at ang pagpapasinaya sa farm-to-market roads (FMRs) sa Coron, Palawan ngayong araw bilang mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng programa ng repormang pansakahan.
Makikinabang ang 1,217 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa 1,234 E-Titles na naipamahagi at nairehistro sa ilalim ng Project SPLIT, na may kabuuang lawak na 2,921.96 ektarya. Bukod dito, magbibigay rin ang Kagawaran ng 53 CLOA na may kabuuang lawak na 4.8277 ektarya ng lupa sa Narra, Palawan, isang resettlement area, sa ilalim ng regular na programa nito.
Ito ay isang pambihirang tagumpay para sa Kagawaran matapos ang mga balakid sa pagkuha at pamamahagi ng Busuanga Pasture Reserve (BPR), isang malawak na lupang pansakahan sa mga Isla ng Coron at Busuanga, Palawan, na sa wakas ay maipamamahagi sa mga magsasakang walang lupa, kabilang ang 19 na nagtapos sa agrikultura at 50 rebel returnees, isang inklusibong pamamaraan patungo sa patas na pamamahagi ng lupa at pag-unlad sa kanayunan.
Bukod dito, pasisinayaan din ng Kagawaran ang mga pangunahing Farm-to-Market Roads upang mapagaan ang mga gawaing agrikultura at mapabilis ang paghahatid ng mga produkto sa mga makikinabang na rural na komunidad.
Kabilang sa mga proyekto ang San Nicolas hanggang So. Caniogan FMR na may haba na 0.300 kilometro at may pondong P14,489,778.72; So. Nalbot hanggang Arado FMR na may haba na 0.481 kilometro at nagkakahalaga ng P14,922,675.05; at Busuang hanggang Caruray FMR na may haba na 0.580 kilometro at may pondong P14,891,930.21.
Inaasahang mapapabuti ng mga kalsadang ito ang koneksiyon sa pagitan ng mga komunidad ng magsasaka at mga lokal na pamilihan, na magpapalakas ng mga aktibidad pang-ekonomiya at kalidad ng buhay para sa 1,075 ARBs sa
Unang Distrito ng Lalawigan ng Palawan, na siyang direktang makikinabang sa mga proyektong ito.
Ang mga pagsisikap na ito ay naaayon sa layunin ng Kagawaran na tiyakin na ang mga benepisyo ng programa ng repormang agraryo ay umabot sa karaniwang mga mamamayan, na magpapalakas sa kabuhayang pang-ekonomiya ng mga komunidad ng ARB at magpapataas ng produktibidad ng agrikultura sa rehiyon.