MARAMING ‘fiscal options’ si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang lalong mapabilis ang pag-unlad ng bansa, kasama ang paggamit sa “P180 bilyong ‘non-tax’ na pondo na wala sa ‘Budget of Expenditures and Sources of Funding (BESF),’ ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng Committee on Ways and Means ng Kamara.
Sa ginanap na ‘First Tax Symposium’ ng SGV, isang higanteng ‘accounting firm,’ sinabi ni Salceda na maraming handang pondo na magagamit ang Pangulo para labanan ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, gawin ang unang mga hakbang tungo sa seguridad sa pagkain, at proteksiyunan ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Salceda na mayroong P180 bilyon na hindi mula sa buwis at wala rin sa BESF na magagamit ang Pangulo, kasama ang ‘equity withdrawals’ mula sa mga institusyon sa pananalapi ng gobyerno na hindi nagamit sa ilalim ng Bayanihan 2 na lumipas na.
Ayon sa kanya, maaari ring gamitin ng Pangulo ang hindi nagamit na pondo para sa ‘unconditional cash transfers mula sa TRAIN [Tax Reform for Acceleration and Inclusion] Law,’ pinagbilhan ng ‘bunked gas’ sa Ilijan Power Plant mula sa Malampaya field, at sa pinagbilhan ng dating Legazpi Domestic Airport.
Suhestiyon ni Salceda, maaaring gawin ni PBMM ang ginawa ni PRRD noong 2019 gaya ng pagbili sa pribadong sektor ng mga casino ng PAGCOR, at ‘streamlining and re-nationalization’ ng pag-apruba sa mga reclamation projects.
Maaari aniyang muling sumigla ang ‘Public-Private Partnerships’ na sadyang isinama ni PBBM sa iniatas niyang bagong ‘PPP framework,’ at maaari ring dagdagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang bahagi ng Pambansang Gobyerno mula sa kita nito sa ‘revaluation’ ng ‘foreign currency assets,’ dahil nga sa bumagsak nang husto ang halaga ng peso ngayong taon.
“Maaaring kumita ang BSP ng mga P16.2 bilyon mula Marso hanggang Hulyo sa pagtaas lang ng halaga ng ‘foreign currency’” ayon kay Salceda, na isang kilalang ekonomista, ngunit sinabi niyang kailangan pa rin ang ilang bagong buwis upang suportahan ang pinasiglang programa sa mga impraestruktura na siya pa ring pinakamagandang pamumuhunan ng bansa.
“Ang sistema ng pagbubuwis natin ay nakabatay pa rin sa income o kita na bumubuo sa mga 53% ng nakokolektang buwis. Ang kailangan natin ay dagdagan ang buwis sa alak, pagsusugal, pagmimina, at iba pa na kasama na ngayon sa adyenda ng tax committee ng Kamara,” paliwanag niya.
Pinag-aaralan ng Kamara kung paano dapat matiyak na matanggap ng Pilipinas ang dapat bahagi nitong buwis mula sa “global transactions, effects of digitalization and cross-border transactions” na mahirap patawan ng buwis sa karaniwang pamamaraan.
Sinabi rin niya na bumuo na ng ‘working group’ ang kanyang komite na nakikipag-ugnayan sa Department of Finance na pinag-aaralan ang pagpatong ng mga “15% minimum income tax” sa “book income” ng mga korporasyon.
Tiniyak din niyang bibigyan ng maluwag na ‘fiscal space ang mga “Marcosian-sized public investment programs,” para libreng makagalaw ang Pangulo.
“Kailangan natin ang malawak na pananaw mula sa Pangulo. Ang pangalan lang niya ay nagpapahiwatig ng laki. Ang ibig sabihin ng ‘Marcosian’ ay malaki, gaya ng isang tulay na mag-uugnay sa Matnog (Sorsogon) at Allen (Samar), Guimaras at Iloilo, o mula sa Mindanao patungong Leyte. Siyempre, habang malawak ang pananaw, malaking ‘fiscal space’ din ang kailangan. Gagawin ng komite namin ang makakaya nito para ibigay sa Pangulo ang suportang kailangan niya,” dagdag ni Salceda.