BUKOD sa milyon-milyong dolyar na investment pledges at libo-libong trabaho na maghihintay sa mga Pilipino, natugunan din ang problema sa external security ng bansa sa pakikipagpulong ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kay US Pres. Joe Biden, ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“The president has accomplished so many things in just a very short time,” ayon kay Speaker Romualdez.
Aniya, “milyon-milyong dolyar ang asahan natin na investments, na pangako ni Pres. Biden”.
“Bukod pa riyan yung libo-libong trabaho na available partikular sa ating mga seaman sa mga US shipping companies, ayon yan mismo sa mga employers sa amerika,” dagdag ng lider ng Kongreso.
Dagdag pa ng mambabatas mula sa Leyte, nangako rin daw ang Amerika na palalakasin ang depensang pangmilitar ng Pilipinas.
Inihayag din ni Speaker Romualdez na pati ang mga miyembro ng US Congress na kanyang nakapulong ay nagpahayag ng suporta sa Pilipinas.
“Our American counterparts in Congress assured us na susuportahan tayo sa usaping pang-ekonomiya at seguridad sa South East Asia”, pahabol ni Romualdez.