PBBM: MAS MALAKING KARUNUNGAN MAKUKUHA SA PAGBABALIK-KLASRUM

TIWALA  si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mas malaki ang makukuhang karunungan ng mga estudyante sa loob ng silid-aralan dahil personal na matuturuan ito ng mga guro.

Ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag kasabay ng pagbabalik ng face-to-face classes ngayong Lunes ng mga mag-aaral matapos ang dalawang taong online learning dahil sa COVID-19 pandemic.

Batid ng Pangulo na naririyan pa rin ang banta ng virus, kaya’t importante na sundin ng mga guro at mag-aaral ang minimum health protocols para mapanatili ang maayos na kalusugan habang nag-aaral.

Kumpyansa rin ang Pangulo na sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd), na makakamit ng enrolled students ng K-12 system, ang kalidad na edukasyon.

Samantala, ang kakulangan ng silid-aralan at upuan ang sumalubong sa mga mag-aaral ngayong pasukan.

Ito ay ayon kay Benjo Basas, Chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC).

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Basas na maituturing na extreme case ang paghahati ng klase sa tatlong shift upang matugunan ang problema sa pagsisiksikan ng mga estudyante sa mga silid-aralan.

Nasa 28 milyong estudyante ang nag-enroll ngayong pasukan.

Tinitingnan din ni Basas ang option ng paglilipat ng mga estudyante sa ibang silid at pagdadagdag ng dalawa pang palapag sa mga eskwelahan bagama’t mas praktikal na magtayo ng panibagong gusali para sa mga estudyante.

Kasabay nito, nananawagan si Basas ng dagdag na allowance para sa mga guro. DWIZ882