MULING dinapuan ng COVID-19 si Pangulong R. Ferdinand Marcos Jr.
Inanunsyo ito kahapon ng Presidential Communications Office (PCO).
Bibisita sana si Pangulong Marcos kahapon sa mga biktima ng lindol sa Surigao del Sur at bombing sa Marawi City subalit naudlot na ito dahil pinayuhan ang Pangulo ng kanyang physician na magkwarantina ng limang araw o 5-day isolation.
Kabilang din sa walang face-to-face meeting ng Punong Ehekutibo ang pagdalo sana ngayong umaga sa National Decongestion Summit na gaganapin sa Diamond Hotel sa Maynila.
“The President remains fit to carry out his duties and will be continuing his scheduled meetings via teleconference. updates on his health will be provided as available,” batay sa statement ng PCO.
Muling pinaalalahanan ng Pangulo ang publiko na maging maingat upang matiyak ang pagiging malusog at magpabakuna ng kinakailangang bakuna at magsuot ng face masks lalo na sa mga matataong lugar.
Noong nakaraang Sabado ay punangunahan pa ng Punong Ehekutibo ang selebrasyon ng Family Day ng Office of the President. EVELYN QUIROZ