PBBM NAGTALAGA NG PRESS BRIEFER

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lifestyle host at dating reporter na si Daphne Osena-Paez bilang “press briefer” sa Malacanang.

Sinabi ni Press Undersecretary Cheloy Garafil, na ang pagbuo ng bagong posisyon ay upang mas maging mabilis ang paghahatid sa publiko ng mga kaganapan sa loob ng administrasyon ng Pangulong Marcos.

“Ipinakilala namin sa inyo ang bagong Malacañang Press briefer na si Bb. Daphne Oseña-Paez,” ayon kay Garafil.

Si Osena-Paez na supporter ni Pangulong Marcos ay nagsilbi rin sa United Nations International Children’s Emergency fund (UNICEF) National Goodwill Ambassador noong 2019.

Nagtapos si Osena-Paez ng Fine Arts History sa University of Toronto sa Canada at kasalukuyang enrolled sa Advanced Certificate for Environmental Management.

Ang press briefer position ay nasa ilalim ng Office of the Press Secretary.

Si Osena-Paez na dating Malacañang reporter ay magsisilbing tagapaghatid ng balita at impormasyon tungkol sa mga aktibidad at proyekto ng administrasyong Marcos.

“Although iba na ‘yung panahon ngayon I look forward to doing this weekly updates with you. since I will be the one who will be regularly your source for updates from the palace, I look forward to working with all of you, of course in a harmonious and collegial manner kasi, I am also one of you. I am very honored to be communicating the message and programs of this administration of course in an accurate and effective way and I will do my best,” ayon kay Osena-Paez.

Bilang unang trabaho nito ay sinabi ni Paez na nagkaroon ng presentasyon kay Pangulong Marcos ng kanilang mga plano at programa ang 11 ahensiya ng gobyerno sa ipinatawag na ika-13 cabinet meeting sa Malakanyang kahapon. EVELYN QUIROZ