(PBBM nanguna sa booster shot) “PinasLakas”CAMPAIGN INILUNSAD SA MAYNILA

TODO suporta ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa “PinasLakas” booster campaign ng Department of Health (DOH) na inilunsad mismo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr kahapon matapos na makilahok ang local na opisyal sa national government sa pagbibigay ng booster shots sa natitirang eligible population sa loob ng first 100 days ng administrasyon ni PBBM.

Pinangunahan ni PBBM ang booster drive sa SM Manila na nasa harap mismo ng Manila City Hall na dinaluhan na mga opisyal ng pamahalaan na kinabibilangan nina Health Officer-in-Charge Rosario Vergeire at DILG Secretary Benhur Abalos; Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo.

Tiniyak ni Lacuna na isa ring doktor na ang kanyang administrasyon ay aktibong isinusulong ang vaccination booster drive na lalo na’t magsisimula na ang face-to-face classes sa August 22.

Sa katunayan, aniya, ang city government ng Maynila ay patuloy ang panawagan sa mga magulang at guardians na tiyakin na ang kanilang mga anak ay nakakumpleto ng primary vaccinations at may booster shots na, sakaling kabilang ito edad 12 hanggang 17.

Ang vaccinations ay ginagawa sa mga designated shopping malls, health centers at six city-run hospitals.
VERLIN RUIZ