PBBM PINURI NI GOV. SA PAGBISITA SA PAMPANGA

HINDI pa lubos na nakakabangon ang ating mga kababayan mula sa mga nagdaang kalamidad.

Kahit ang ilang mga taga-Bulacan, lubog pa rin sa baha dulot ng halos walang tigil na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Matapos ang mga pangyayaring ito, saka natagos ng karamihan kung gaano kabagsik ang climate change.

Hindi biro ang epekto ng pabago-bagong klima.

Mahirap nang maunawaan kung kailan uulaan o aaraw.

Sa kabilang banda, kumikilos naman ang pamahalaan hinggil dito.

Katunayan, mabilis na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang flood mitigation measures para tuluyan nang masolusyonan ang matagal nang problema sa baha sa Pampanga.

Nangyari ito nang dumalo si PBBM sa situational briefing, kasama sina Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda, national government agencies, at iba pang opisyal mula sa lalawigan nitong Lunes, Agosto 7.

Natalakay bilang solusyon ang regular dredging sa Pampanga River, road upgrading sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng San Simon, at maging ang pagtaas ng vertical clearance ng Tulaoc Bridge.

Kung hindi ako nagkakamali, inilatag din kay PBBM ang pag-i-impound ng tubig sa Candaba swamp.

Aba’y makatutulong daw ito sa pag-alis ng bara sa tubig palabas ng Manila Bay.

“PBBM, sa panahon ng sakuna at matinding pangangailangan, hindi mo kami iniwan,” ayon kay Gov. Delta Pineda.

Ang ginawa, aniya, ng Pangulo ay patunay na mahal niya ang mga Kapampangan.

Mismong si Marcos kasi ang nanguna sa pamamahagi ng tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa mga Kabalen na apektado ng malawakang pagbaha.

Nasa 1,600 residente ang nakatanggap ng tulong pinansiyal at food packs sa Bren Z. Guiao Convention Center, bukod sa mga tseke para sa pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan na papalo sa P64.8 milyon bilang tulong sa muling pagbangon ng probinsya mula sa mapaminsalang kalamidad.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!