IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Araw ng Paggawa sa mga wage policy making body ng gobyerno na agad na suriin at ayusin ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Isinasaalang-alang ang epekto ng inflation sa sektor ng paggawa, inatasan ng Pangulo ang Regional Tripartite Wage and Productivity Boards na simulan ang isang napapanahong pagsusuri sa minimum wage rates sa kani-kanilang mga rehiyon.Ito ay dapat gawin sa loob ng 60 araw bago ang anibersaryo ng kanilang pinakahuling wage order, sinabi ng Punong Ehekutibo sa paggunita ng 122nd Labor Day sa Palasyo ng Malacañan nitong Miyerkoles.
Kasabay nito, hiniling ng Pangulo sa National Wages and Productivity Commission na repasuhin ang mga tuntunin nito upang matiyak na ang mga Lupon ay maaaring mapanatili ang isang regular at predictable na iskedyul ng pagsusuri sa sahod, pagpapalabas, at pagiging epektibo upang mabawasan ang kawalan ng katiyakan at mapahusay ang pagiging patas para sa lahat ng stakeholder.Aniya, ang mga naturang pagsusuri at pagsasaayos ay makatutulong na mapawi ang epekto sa mga manggagawa ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Kaugnay nito, nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na gumawa ng mga batas para maiangat ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino. “Nananawagan ako sa Kongreso na magpasa ng mga batas na susuporta sa pagkamit ng ating agenda sa paglikha ng mga trabaho, kabilang ang Enterprise-based Education and Training Program law, ang Revised Apprenticeship Program Act, at ang CREATE MORE law o ang batas sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Nauna nang nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 11962, o ang Trabaho Para sa Bayan Act noong Setyembre 27, 2023, na naglalayong tugunan ang unemployment, underemployment, at iba pang hamon sa labor market.Noong Marso 12 ngayong taon, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga implementing rules and regulations ng batas. Ang Trabaho Para sa Bayan-Interagency Council, NEDA, ay naatasang bumuo ng master plan ng bansa para sa pagbuo at pagbawi ng trabaho.
Upang mabawasan ang epekto ng inflation, nagbigay ang gobyerno ng emergency na trabaho sa 5.66 milyong benepisyaryo sa pamamagitan ng Tulong Pangkabuhayan sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) mula Hulyo 2022 hanggang Pebrero 2024. May 167,065 benepisyaryo rin ang isinama sa livelihood programs sa ilalim ng ILP, habang 429,133 benepisyaryo ang nakatanggap ng tulong mula sa Employees’ Compensation Program. Ang Technical Education and Skills Development Program (Tesda) ay nagpatala ng 2.65 milyong indibidwal sa ilalim ng reskilling at upskilling program nito. May 1.43 milyong indibidwal din ang nasuri, at 1.36 milyon ang na-certify.
Para matiyak ang seguridad sa trabaho, naglaan ang DOLE ng P9.18 bilyon sa Fiscal Year 2024 budget para sa mga programa nito na naglalayong pataasin ang employability.