SI Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lamang ang magdedesisyon kung bibigyan nito ng executive clemency ang convicted OFW na si Mary Jane Veloso sakaling makauwi na ito sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng Department of Justice (DOJ) na opisyal na ang paglilipat sa kustodiya kay Veloso sa Pilipinas mula sa Indonesia kung saan ito nakapiit dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, maraming ikokonsidera sa kaso dahil convicted si Veloso sa drug trafficking pero malaking tulong din siya sa kaso ng illegal recruitment bilang isang witness.
Nilinaw pa ng DOJ na hindi na kailangan ng basbas mula sa Indonesia sakaling magdesisyon ang Pangulong Marcos na palayain si Veloso.
Ilang opisyal ng DOJ ang nagtungo sa Indonesia para gawing opisyal ang paglilipat ng kustodiya ni Veloso sa alinmang jail facility sa Pilipinas.
Sa ngayon ay wala pang tiyak na petsa kung kailan makakauwi si Veloso pero inaasahan na dito siya magpa-Pasko sa Pilipinas.
ALIH PEREZ