PBBM TAOS PUSONG BINATI ANG INC SA KANILANG IKA-108 ANIBERSARYO

BAGAMAN abala sa pagmomonitor sa kabi-kabilang insidente dulot ng 7.0 magnitude quake sa Abra at karatig lalawigan, hindi kinaligtaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na batiin nang taos puso ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na gumugunita ng kanilang ika-108 anibersaryo.

“Sa mahigit isang siglong pagkakatatag ng inyong kapatiran, napagtibay ng inyong malalim na pananampalataya sa Diyos at Kanyang sambayanan ang halaga ng pagsasabuhay sa Ebanghelyo upang hubugin ang ating pagkatao,” bahagi ng mensahe ni PBBM para sa INC.

Lubos ding nagpapasalamat ang Punong Ehekutibo sa pakikiisa ng INC sa pamahalaan at sa mga mamamayang Pilipino sa pagtataguyod ng kabutihan at kapayapaan sa ating bansa at sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nais din ni PBBM na gamitin ang okasyon para ang mga Pilipino ay magkasundo sa kabila ng pagkakaiba habang umaasa rin na makamit ang pagkakabuklod para sa Inang Bayan.

Hangad din ni Marcos na gabayan ng Ama ang Tagapamahalang Pangkalahatan na si Kapatid Eduardo V. Manalo at ang kaniyang mga katuwang sa pamumuno.

Hiling din ni PBBM na pagkalooban ang INC ng Diyos ng sapat na lakas, karunungan at kababaang-loob para sa higit na ikauunlad ng Iglesia Ni Cristo.

Nais ding ng Pangulo ang masaya at mataimtim na paggunita sa nasabing okasyon.
EVELYN QUIROZ