PCC IIMBESTIGAHAN ANG ‘DOUBLE FRANCHISING’ NG GRAB

Iimbestigahan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang umano’y double franchising ng Grab Philippines sa motorcycle ride-hailing industry.

Lumutang ang isyu ng double franchising sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nang mapag-usapan ang pagbili ng Grab sa Move It at operasyon ng Grab Bike service.

Iginiit ng isang motorcycle organization na dapat mag-operate ang Grab Bike at Move It bilang isang kompanya dahil isa lang naman ang kanilang may-ari.

Nangako naman ang kinatawan ng PCC na ilalabas ang resulta ng imbestigasyon bago mag-adjourn ang Senado sa Dec. 21 para sa Christmas break nito.

Natuklasan kamakailan ng Lipa City Council ang operasyon ng Grab Bike sa siyudad nang walang permit to operate mula sa lokal na pamahalaan, kaya itinuturing itong ilegal o “colorum.”

Kinalampag ng mga tricycle operators and drivers association (TODA) sa Lipa City ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa ilegal na operasyon ng Grab Bike sa siyudad.

Ayon sa kanila, dapat tugunan ng LTFRB ang problema, lalo pa’t malaki ang epekto nito sa kanilang kita dahil inaagaw ng Grab Bike ang kanilang mga pasahero.

“Umaaray na ang karamihan sa amin dahil hirap nang maka-boundary. Nawawalan kami ng pasahero dahil sa mga kolorum na iyan,” wika ng isang tricycle driver.

Iginiit ng mga TODA sa LTFRB na unahin ang kanilang kapakanan dahil mayroon silang prangkisa mula sa ahensiya at permit mula sa lokal na pamahalaan ng Lipa City.

Ibinulgar kamakailan ng ilang miyembro ng Sangguniang Panglungsod ang ilegal na operasyong ito ng Grab Bike ng Grab Philippines, ang pinamalaking TNVS sa bansa.

Kailangan munang aprubahan ng Sangguniang Panglungsod ang permit ng Grab Bike bago ito makapag-operate sa isang lungsod.

Napag-alaman sa sesyon na maituturing na “kolorum” ang Grab Bike dahil wala itong pahintulot mula sa konseho ng Lipa City.

Ipinatawag na ng Lipa City Council ang Grab Philippines para magpaliwanag kung bakit sila nag-o-operate kahit walang pahintulot ng konseho.

“Kailan nagsimula ang operasyon ng Grab Bike at kung saan ang tanggapan nito sa lungsod. Mahalagang malaman ang mga detalyeng ito dahil nag-o-operate na sila sa ating lugar,” wika ng isang konsehal.

Kapag napatunayan, maaaring pagmultahin ng konseho ang Grab at huwag nang payagan pang makabiyahe sa lugar.