GAGAWIN ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation at ng Puerto Princesa City ang lahat upang matiyak ang tagumpay ng 2024 ICF Dragonboat World Championships na gaganapin sa Oct. 28-Nov. 4.
Ayon kay PCKDF president Len Escollante, ito ang unang pagkakataon na magiging host ang isang Southeast Asian country sa world event na lalahukan ng mga competitor mula sa 26 bansa at may dalawa pa na kumakatok sa pintuan. Ang event ay nagsisilbi ring qualifying sa World Games sa China sa susunod na taon.
“The paddlers alone, we expect over 1,500. Then we have other delegates. They are all excited to come here because they know that aside from the competition, there will be other things to do in Puerto Princesa and Palawan,” pahayag ni Escollante sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex.
“This will also be good for our tourism,” ani Escollante, idinagdag na ang top paddlers mula sa powerhouse countries mula sa Europe tulad ng Czech Republic, Hungary, Ukraine at Russia, pagkatapos ay China mula sa Asia ay darating din.
Isasabak ng Pilipinas ang pinakamahuhusay na paddlers kung saan lalahok sila sa world event sa unang pagkakataon magmula noong 2018 nang manalo sila ng 5 golds, 2 silvers at 1 bronze sa Atlanta, Georgia.
Kabuuang 54 gold medals ang nakataya sa 200m, 500m at 2,000m races. Ang open national team division ay mag-aalok ng 18 gold medals tulad ng masters 40-plus. Tig-9 na ginto ang paglalabanan sa 50-plus at juniors for boys and girls.
Ayon kay Escollante, pinasalamatan si Puerto Princesa Mayor Lucindo Bayron at ang Philippine Sports Commission sa kanilang buong suporta, kabilang sa mga bansa na magpapadala ng malaking delegasyon ay ang India na may 150, Thailand at Iran na may tig-80 at ang host country na may 200.
“Malakas tayo dito because our paddlers are young and at their peak,” sabi ni Escollane, dating paddler at volleyball player, sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang 24/7 sports app ng bansa.