MAKAKAASA ang mga local government units (LGUs) o pamahalaang lokal na magkaroon ng higit na matibay na pananalapi upang lalong maisulong ang pag-unlad nila kung magiging batas ang tinatawag na “Mandanas Ruling” ng Korte Suprema.
Ayon sa ‘Mandanas Ruling’ ang ‘internal revenue allotments (IRA)’ o bahaging pondo ng mga LGU ay dapat batay sa kabuuang koleksiyong buwis ng pamahalaang pambansa, gaya ng isinasaad sa 1991 Local Government Code (LGC) at hindi lang nalikom na buwis ng BIR mula sa nasasakupan ng LGU, gaya ng dating ginagawa.
Sinabi ni Philippine Councilors League (PCL) Bicol Regional chair Jesciel Richard Salceda na kasalukuyang kumakampanya sa pagka-PCL national chairman na kung siya’y mananalo, isusulong niya na maging batas o maipaloob sa Saligang Batas ang ‘Mandanas Ruling.’
Pangatlong termino na si Salceda bilang konsehal ng Polangui, Albay at kinatawan ng kanila lokal na liga sa Albay Provincial Board. Ayon sa kanya, kung maisabatas ang ‘Mandanas Ruling,’ makatitiyak ang mga LGU ng patas at nararapat na IRA. Nagtapos sa Yale University sa USA, binigyang diin niya na sa 2018 decision ng Korte Suprema, dapat higit na malaki ang IRA ng mga LGU dahil hindi sinasabi sa probisyon ng LGC na ang 40% IRA ng mga LGU ay batay lamang sa nalikom na buwis sa loob ng nasasakupan ng pamahalaang lokal.
Sa ilalim ng ‘Mandanas Ruling,’ lolobo ang pondong batayan ng IRA sa P354 bilyon sa 2022; P382 bilyon sa 2023; P420 bilyon sa 2024; at P466 bilyon sa 2025. Dapat maisabatas ang tiyak na hatian ng nasyunal ay lokal na pamahalaan na masidhing ninanais ng mga LGU. Si Salceda ay pamangkin ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, na ngayon ay chairman ng House Ways and Means Committee.
Matapos ang pakikipagpulong niya sa mga lider ng PCL sa ilang mga lalawigan, lumakas lalo ang suporta sa kanya ng 17,000 miyembro ng liga. Kapag siya’y nanalo, sinabi ni Salceda na pangunahin sa kanyang adyenda ang partisipasyon ng PCL sa pagbalangkas ng mga amyenda sa Saligang Batas, ang pagpapahaba sa termino ng mga halal na opisyal ng mga LGU, representasyon ng PCL sa mga Regional Development Council, at itulak ang mga LGU na gawin ang mga inisyatibo kaugnay sa ‘climate change adaptation’ at ‘disaster risk reduction,’ at pagpapaulad sa local na ekonomiya, at iba pa.
Tiniyak din ni Salceda na isusulong niya ang mga hakbang upang maging matibay na institusyon ang PCL.
Comments are closed.