LUSOT na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Atty. Cheloy Garafil.
Sa nasabing pagdinig ay nagpahayag ng suporta si Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Jinggoy Estrada sa appointment ni Garafil dahil sa masipag sa kanyang trabaho lalo na sa tuwing may presidential visit si Pangulong Bongbong Marcos at mahal din ito hindi lamang ng mga media sa Malacanang kundi maging sa Senado.
Natanong naman si Garafil ni Senadora Risa Hontiveros kung paano malalabanan ang fake news at hindi magagamit ang PCO sa pagpapakalat nito.
Tugon ng kalihim na kinasusuklaman ng kanilang tanggapan ang anumang uri ng fake news at patuloy itong lalabanan sa ilalim ng kanyang termino sa pamamagitan ng programang media literacy program kung saan pupunta sila sa grass root para walang mabikitma ng fake news at tuturuan ang mga kababayan na suriin ang pekeng balita.
Pag-aaralan din umano ng PCO ang pag -accredit sa mga blogger.
Natanong naman ni Senador Grace Poe kung ano ang ipinangako ng Malakanyang sa grupo ng mga PUV drivers tungkol sa kanilang hinaing sa PUV modernization program.
Paliwanag ni Garafil, bilang dating LTFRB chairman ay nagkakaroon sila ng konsultasyon sa pagitan ng PUV drivers kaya madali siyang nakokontak ng mga ito at ipinangako niyang bukas ang Malakanyang sa kanilang mga hinaing hindi lamang ang Department of Transportation and Communications (DOTr).
Iminungkahi naman ni Congressman Rodante Marcoleta na dapat na magkaroon ng mekanismo para sa mga fake news na naglipana sa social media para hindi maligaw ang publiko na sinagot naman ni Garafil na makikipag- ugnayan sila sa YouTube at Facebook para rito.
VICKY CERVALES