PINAALALAHANAN kahapon ng Malakanyang ang mga opisyal at empleyado ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na maging maingat sa anumang inilalabas at ipinapakalat sa mga posting sa social media lalo’t may kaugnayan sa gender issue.
Ang pagpapaalala na may subject matter na “Reminder on the Duties and Responsibilities as Pubic Servant” ay nakapaloob sa memorandum na pinalabas ni PCOO Undersecretary Lorraine Marie Badoy na may petsang Agosto 13, 2018.
Base sa memorandum ni Badoy, ang mga tauhan ng PCOO ay dapat magpamalas ng pinakamataas na antas ng propesyonalismo sa kanilang trabaho.
“As the Chair of the PCOO’s Gender and Development, the undersigned would like to remind you along with all officials and employees of our role in creating a positive impact towards gender issues and portrayal of women in the media since we play a crucial role in raising public awareness and shape public opinion,” sabi pa sa memorandum.
Ayon kay Usec Badoy napakahalaga ng papel na ginagampanan ng PCOO sa usapin ng public awareness kung kaya’t marapat lamang na maging responsable ang mga empleyado ng PCOO sa anumang ipo-post sa social media at anumang ilalabas sa usapin na may kinalaman sa kababaihan.
Sinabi pa ni Usec Badoy na nakasaad sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) na marapat lamang na ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno ay gampanan ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad na may mataas na kalidad ng kahusayan, propesyonalismo, katalinuhan at kasanayan.
Magugunita na umani ng kabi-kabilang pagbatikos ang PCOO dahil sa mali-maling detalye at posts sa social media kabilang na rito ang kontrobersiyal na jingle-video ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson patungkol sa issue ng pederalismo. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.