PCSO: 53 STLS, BALIK-OPERASYON NA

Lotto

NAKATAKDA  nang magbalik ngayong Oktubre 1 ang operasyon ng  53 pang Small Town Lottery (STL) sa bansa.

Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, nasa 53 pang STL ang magbubukas na  matapos na una nang magbukas ang walo sa kanila noong nakaraang buwan.

Batay sa STL Circular No. 2020-005, na ang pagbabalik ng STL operations ay kasunod ng pag-apruba ni Pangulong  Rodrigo Duterte sa 2020 Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng STL.

“Resumption of STL Operations will be on October 1, 2020 subject to the conditions by PCSO and complied by the AAC (authorized agents corporation),” anang circular.

Nabatid na magpapatupad din ang PCSO ng standardized schedule ng lahat ng STL draws sa buong bansa sa pagsisimula ng kanilang operasyon.

Ayon sa PCSO, ang unang draw ay idaraos ng 10:30 ng umaga habang 3:00 ng hapon ang ikalawang bola at 7:00 ng gabi naman ang ikatlong draw.

Kaugnay nito, mahigpit ang habilin ni Garma sa mga AAC na sumunod sa mga alituntunin ng PCSO at ng pamahalaan kaugnay ng mga health at safety protocols na kanilang ipinatutupad upang matiyak na hindi magkakaroon ng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.