PCSO CHAIRMAN CUA, PINURI ANG POSITIBONG EPEKTO NG BAGONG PILIPINAS SERVICE FAIR

PINURI ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua ang positibong epekto ng programa tulad ng “Bagong Pilipinas Service Fair” sa pagpapalapit ng pamahalaan sa mga mamamayan.

“Programs such as the Bagong Pilipinas Service Fair have a positive impact on our communities. Dahil sa mga programang ganito na gobyerno mismo ang lumalapit sa mga tao, nabibigyan ng agarang solusyon ang mga problemang hinaharap ng mga kababayan natin,” ani Cua.

“I am confident that this government has more programs in store for the people,” dagdag pa ni Cua.

Sumama si Cua kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr. at iba pang opisyal ng gobyerno sa paglulunsad ng service caravan sa Camarines Sur noong Sabado.

Sabay-sabay ding inilunsad ang caravan sa Laoag, Ilocos Norte para sa Luzon; bayan ng Tolosa sa Leyte para sa Visayas, at sa munisipalidad ng Monkayo, Davao de Oro para sa Mindanao.

Itinampok sa paglulunsad ng caravan ang programang “Kadiwa ng Pangulo” na naglalayong mapabuti ang access sa abot-kayang pagkain at iba pang mga produkto; passport on wheels, driver’s license registration and assistance, National ID, Pag-IBIG Fund, National Bureau of Investigation at police clearance applications.

“Sumama rin po ang PCSO para ipaalam sa mga kababayan natin na maaari silang humingi ng tulong sa ahensiya,” ani Cua.

“Ang ating Medical Access Program ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kababayan natin para sa iba’t ibang sakit, medical at laboratory procedure. Bukod pa po ito sa iba’t ibang donasyon ng PCSO sa mga LGU, ospital, at iba pang ahensya ng pamahalaan,” dagdag pa ni Cua.

Tiniyak din ni Chairman Cua na patuloy na magsusumikap ang PCSO para suportahan ang pangako ng administrasyong Marcos sa taos-pusong paglilingkod sa taumbayan.

“Patuloy po tayong makikipagtulungan, sa ilalim ng bandera ng pagkakaisa, para maitaguyod ang kapakanan ng mga kababayan natin,” ani Cua.