PINAALALAHANAN ni Philippine Charity Sweepstakes Office Chairman Junie E. Cua ang publiko na maniwala lamang sa mga official channel para sa mga balita tungkol sa nasabing ahensya.
Ang paalala ni Cua ay sa gitna ng paulit-ulit na pagtatangka na gamitin ang kanyang pangalan at ng iba pang opisyal ng PCSO gayundin ang logo nito ng mga online scammers.
“I urge the public to remain vigilant against scammers who attempt to use the PCSO for their selfish and criminal objectives,” ani Cua.
“Kung hindi po galing sa official social media account ng PCSO o ‘di kaya sa nag-iisang Facebook account ko na Junie Cua, o ‘di kaya sa radyo at tv, huwag po tayo dali-daling maniwala,” dagdag pa ng opisyal.
Hinikayat ng Chairman ang publiko na maging maingat sa “red flags ” na maaaring makatulong sa kanila na matukoy kung sila ay niloloko.
“Ang PCSO ay hindi po manghihingi ng sensitive information gaya ng bank records o social security information,” ani Cua.
Nagbabala din si Cua sa publiko laban sa pag-click sa mga link na ipinadala sa pamamagitan ng social media o mga text message.
Dagdag pa ng opisyal, ang PCSO ay hindi nagpapadala ng “urgent” na mensahe at hindi nagsasagawa ng mga pananakot.
“For the record po, hindi kami nanghihingi ng pera kapalit ng numero o premyo, kaya dapat ang publiko ay huwag magbigay ng pera para sa mga winning numbers o kung ano mang prizes kuno,” giit pa ni Cua.
“Even as the government is taking active steps to crack down on online scammers, it is best that we also equip ourselves with proper knowledge to avoid being victimized by these criminals,” ayon pa sa opisyal.