PCSO NAGBAHAGI NG 49M SA LGUS AT CHED

PCSO - LGUS - CHED

SA isang simpleng seremonya, ibinahagi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina M. Garma ang kabuuang 49 milyong piso ng mga tseke sa Local Government Units (LGUs) bilang STL shares at sa Commission on higher Education (CHED) bilang mandatory contribution.

Kabilang sa mga LGU na nakatanggap ay nagmula sa National Capital Region (NCR) ng kabuuang 32 milyong piso bilang “shares” mula sa STL habang ang CHED ay mayroong kabuuang 17 milyong piso bilang mandatory contribution. Ginanap ang trun over ceremony sa likod ng PCSO conservatory Building, Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Ang Quezon City ang nanguna sa may pinakamalaking natanggap na “shares” na nagkakahalaga ng Php15,069,633.41, pangalawa ang Lungsod ng Maynila na may halagang Php9,287,534.54, sumunod ang Pasay City na mayroong Php3,290,194.87, sinundan naman ng Las Pinas City na halagang Php2,731,702.76, panglima ang Pasig City sa halagang Php637,780.28, mayroon namang Php384,369.48 ang Marikina City, nakakuha naman ng Php232,289.36 ang Muntinlupa City, Php214,884.70 naman ang Paranaque City, Php98,695.12 ang nakuha ng San Juan City, habang mayroong Php63,566.83 ang Mandaluyong City, Php32,280.46 naman ang napunta sa Pateros City, nakakuha naman ang Makati City ng Php25,647.27 at Php7,556.34 ang natanggap ng Taguig City.
Bukod sa pamamahagi ng STL shares sa LGUs, ibinigay din ng PCSO ang halagang Php17,005,497.30 sa CHED sa pamamagitan ng Bureau of Treasury. Ito ay bilang pagsunod sa mandatory contribution na isinasaad sa RA #7722 na magbibigay ng 1% share ng lotto gross sales sa naturang ahensya.

Ang mga LGU naman ay makatatanggap ng porsiyento mula sa kabuuang kita ng operasyon ng PCSO sa kanilang lugar. Maaaring gamitin ang “shares” na ito sa kanilang mga proyekto sa kanilang nasasakupan.

Ang magandang kooperasyon sa pagitan ng PCSO at LGUs ay malaki ang maitutulong sa pagkamit ng pondo na mapakikinabangang ng buong bansa. Malaki ang ibinabahging tulong ng PCSO sa mga charitable activities nito sa bansa habang nagagamit naman ng LGUs ang pondo mula sa PCSO sa mga kapaki-pakinabang na proyekto sa mga munisipalidad, bayan, at lungsod.

Hinihikayat ni GM Garma ang mga LGU na patuloy na ikonsidera ang pakikipag-partner sa kanila dahil hindi lamang umano ito makapagbibigay ng trabaho sa kanilang lugar, makatutulong din umano ito na mapalakas ang ekonomiya.

“PCSO is not gambling, it does not take skill to win in our games, it is truly a game of chance! That alone differentiates us from other gaming institutions. Larong may puso po kami kasi portion po ng aming kinikita ay bumabalik sa pagtulong sa mga kababayan natin na nangangailangan ng medical na atensyon at bukod diyan, marami din pong natutulungan na mga institusyon, ospital, mga biktima ng kalamidad at mga local na pamahalaan. Magtulungan po tayo para sa ating mga kababayan,” ani GM Garma. CRIS GALIT