PCSO NAKAPAGBIGAY NG P2-B DIRECT MEDICAL ASSISTANCE SA HIGIT 225K INDIBIDWAL

UMABOT sa mahigit P2 bilyon halaga ng ‘Direct Medical Assistance’ ang naibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mahigit 250,000 indibidwal na nangangailangan ng tulong pinansiyal para sa kanilang pagpapagamot noong taon 2022. sa pamamagitan ng Medical Assistance Program (MAP).

Base sa accomplishment report ng naturang government charity institution para sa kabuuan ng nakaraang taon, nabatid na sa pamamagitan ng Medical Assistance Program (MAP) nito, nasa 255,520 indigents at financially incapacitated individuals ang kanilang natulungan, at nasa kabuuang P2,012,581,440.96 ang tulong pinansiyal ang naipagkaloob nito.

“True to our mission of providing responsive assistance to eligible recipients and beneficiaries, the PCSO has helped hundreds of thousands of poor patients deal with costly medical expenses incurred from treatment or confinement,” ayon kay PCSO Chairman Junie E. Cua.

“This is in line with the continuing efforts of President Ferdinand R. Marcos Jr. to enhance and strengthen the country’s healthcare system, and sustain the gains achieved in 2021 to fully reopen the economy,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Cua na ang nasabing tulong pinansiyal ay ibinigay sa pakikipagtulungan sa gobyerno at pribadong mga ospital, health facilities, mga medicine retailer at iba pang kasosyo nito.

Ang kabuuan ay hinati sa Regular MAP sa pamamagitan ng mga tanggapan ng PCSO (210,731 benepisyaryo na may P1,395,310,206.43 na tulong); at Medical Access sa Malasakit Centers (MAM) na may 44,789 na benepisyaryo na nabigyan ng P617,271,234.53 halaga ng tulong.

Nabatid sa PCSO, mula nang pirmahan ang Malasakit Center Act (RA 11463) noong 2019 na naglalayong magtatag ng Malasakit Centers sa mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health (DOH) sa buong bansa, nakapagtatag ang PCSO ng 129 PCSO Desks mula sa 153 Malasakit Centers sa pagtatapos ng 2022.

Nabanggit din ni Cua na ang pinakamataas na bilang ng mga “request” para sa tulong na natanggap ng PCSO ay para sa cost of confinement na may 131,754 (1.28B), na sinundan ng erythropoietin (dialysis injection) na may 84,535 na request (P337M), at 23,624 na request (241.8M) para sa chemo drugs.

“Kung ating titignan, ito yung tatlong masasabi natin na pinakamabigat na pasanin ng ating mga kababayang mahihirap na nagkakasakit at nangangailangan ng tulong pinansyal. We are happy to note that we have been able to serve many of our needy kababayans through the MAP,” ani Cua.

Samantala, ang iba pang mga serbisyong saklaw ng nasabing programa ay mga espesyalidad na gamot, hemodialysis, laboratoryo (blood chemistry), diagnostic, imaging procedures, at implant/medical device.

“Inaasahan po natin na sa mga darating na panahon, mas marami pa ang ating matutulungan sa pamamagitan ng mga innovations na magpapabilis sa paghatid ng mas epektibng serbisyo sa ating mga kababayang nangangailangan,” ayon pa sa PCSO Chairman.

“Maaasahan niyo po na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos, ang PCSO ay laging handa sa pagtulong sa kapwa,” ani Cua.