PCSO NAKAPAGBIGAY NG P82-M SA CHED PARA SA Q1 NG 2023

UMAABOT sa mahigit P82 million ang nai-turn over ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Commission on Higher Education para sa unang quarter ng kasalukuyang taon.

“Bilang pagsunod sa aming mandato, nakapagbigay kami ng P82,176,035.50 sa CHED para sa kanilang pondo na gagamitin sa pagpapabuti ng ating mga higher learning institutions sa bansa,” ang naging pahayag pa ni PCSO Chairman Junie E. Cua.

“We have already informed Pres. Ferdinand Marcos, Jr. about our contribution, which I hope the administration can use to improve our higher learning instutions,” dugtong ng PCSO chairman.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7722 o ang Higher Education Act of 1994, ang naturang charity agency ay inaatasang mag-contribute ng kita nito para sa Higher Education Development Fund, na gagamitin upang mas lalong mapalakas ang higher education sa bansa.

Partikular na nakapaloob sa naturang batas na ang katumbas ng one percent ng gross sales ng lotto operation ng PCSO ang siyang dapat na maging kontribusyon nito sa nabanggit na pondo.

Ayon kay Cua, ang tinukoy na first quarter contribution ngayon taon ay nakaayon sa target ng PCSO na hindi lamang matumbas bagkus ay maaaring mahigitan pa ang kabuuang halaga na naibahagi nito sa HEDF para sa taong 2022.

“Naniniwala tayong matatapatan o mahihigitan pa natin ang naibigay natin sa CHED sa nakaraang taon,” mariing sabi ni Cua.

Nabatid na ang state charity institution ay nakapagtala ng HEDF contribution sa kabuuang halaga na P266,457,014.90 noong nakaraang taon.

Binigyan-diin ni Cua ang kahalagahan na masuportahan at maitaguyod ang HEDF sa kabila ng kinaharap na mga hamon gayundin naging aral na dala ng naranasang Covid-19 pandemic.

“We realize how important the PCSO’s role is in ensuring that our higher learning institutions stay up to the task of educating our youth, which in turn is crucial in our nation’s development,” ani Cua.

“This recognition of our role motivates us to work harder so that the Filipino youth can have a brighter future,” dagdag pa niya.