MAGANDANG taon para sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang 2024.
Ito’y dahil nakapagtala ito ng record-breaking sales at patuloy na nagbibigay-daan sa sunod-sunod na mga milyonaryo na ikinatutuwa ng milyon-milyong Pilipinong nagtatabi ng kanilang mga taya.
Sa isang linggong nakapagtatala ng rekord mula nang pamunuan ni General Manager Mel Robles noong Hulyo 2022, nagtagumpay ang PCSO na mag-produce ng dalawang milyonaryo sa sunod-sunod na panahon na nagresulta sa pagbibigay ng halos P1.4 bilyon na premyo sa loob lamang ng dalawang araw.
“Habang mas maraming tumataya, mas marami rin ang matutulungan nating mga kababayan. Ang sabi ko nga, sa bawat taya, may kawanggawa,” ani GM Robles.
Ibinahagi ni GM Robles ang kanyang pahayag matapos manalo ang iisang taya sa Grand Lotto 6/55 jackpot na nagkakahalaga ng mahigit sa P698 milyon noong Miyerkoles ng gabi (Enero 17) gamit ang tamang kombinasyon na 24-50-52-09-51-03 sa pamamagitan ng e-Lotto.
Ito ang unang malaking jackpot na napanalunan sa online platform mula nang ito’y ilunsad noong Disyembre 2023 habang ikalawang beses ito sa loob ng dalawang araw na nanalo ng higit sa P600 milyon ang iisang mananaya. Noong Martes, Enero 16, nanalo ang isang mananaya ng P640,654,817.60 sa Super Lotto 6/49 gamit ang kombinasyon na 26-33-14-48-06-42.
Samantala, nanalo rin ang iisang mananaya ng UltraLotto 6/58 noong Disyembre 29 o tatlong araw bago mag-Bagong Taon na may premyong mahigit sa P571 milyon, ang pinakamalaking jackpot noong 2023.
Kung maaalala, noong Disyembre 16, 2023, itinaas ng PCSO ang minimum na jackpot para sa Grand Lotto 6/55, Ultra Lotto 6/58, at mas huli, ang SuperLotto 6/49, patungo sa kakaibang P500 milyon bawat isa bilang bahagi ng ‘Handog Pakabog’ Christmas draws.
At bago mag-Bagong Taon, nagtaas rin ang ahensiya ng premyo para sa Lotto 6/42 at MegaLotto 6/45 na naging P100 milyon bawat isa. Tatlong mananaya ang nanalo sa jackpot ng 6/42 noong Enero 02, na may premyong higit sa P108 milyon.
Samantala, ang jackpot ng Megalotto 6/45 na may halagang higit sa P121.8 milyon ay napanalunan noong Enero 8 at nahati ng dalawang nanalo. Bukod sa pagbibigay ng malalaking premyo, patuloy na nakakakumbinsi ang PCSO ng mas maraming mananaya matapos itala ang P265 milyon sa one-day sales noong Martes (Enero 16).
Ang halagang ito ay ang pinakamataas na nairehistro na one-day sales sa loob ng limang taon o mula pa noong Oktubre 14, 2018, nang umabot sa P1.18 bilyon ang premyo.
Sabi nga, “ang PCSO ay hindi umuurong sa pagtulong!”