IPINANGAKO ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua na patuloy nilang ipagpapatuloy ang kanilang layunin na lalo pang mapabuti ang kanilang ahensiya upang mas mapagsilbihan ang mamamayang Pilipino.
Ang pahayag ni Cua ay matapos purihin kamakailan ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang kanilang ahensiya para sa markadong pagpapabuti sa pagkamit ng kanilang Performance Scorecard target sa 2022.
“Kami sa PCSO ay hindi kuntento sa status quo. We strive for continued improvement para mas mapaglingkuran natin ang sambayanan,” ani Cua.
Sa pagdiriwang ng ika-89 na anibersaryo ng pagkakatatag ng PCSO noong Oktubre 27, sinabi ni GCG Chairperson Atty. Marius P. Corpus ang itinampok na pambihirang pagganap ng ahensiya noong nakaraang taon.
“The PCSO was able to pay 100% of the mandatory contributions required by law to all recipient agencies and remit a total amount of PHP 4.75 billion,” ani Corpus.
Idinagdag ni Corpus na ang PCSO ay nag-ulat ng validated Performance Scorecard rating na 92.03 percent noong 2022, na isang markadong pagtaas mula sa dating 56.30 percent rating nito.
Pinuri rin ni Corpus ang pamunuan ng PCSO, dahil sinabi niya na inaasahan niya ang “steady improvement” dahil sa “forward-looking leadership of Chairperson Cua at General Manager [Melquiades] Robles.”
“I am humbled by this recognition. Pero hindi natin makakamit ang mga ito kung wala ang lahat ng staff na pursigido sa paglingkod sa ating mga kababayan,” ayon kay Cua.
Nagpasalamat din si Cua sa iba pang ahensiya ng gobyerno at oversight body para sa kanilang napakahalagang suporta at sa kapaligirang nagbibigay-daan sa PCSO na umunlad.