BINIGYANG papuri ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua ang Philippine contingent sa 2023 Asian Games para sa kanilang “heroic campaign”, kung saan nagpakita ng lakas ang mga Pinoy matapos ang halos tatlong dekada.
“Congratulations to our athletes for their heroic campaign. Our country owes its gratitude to you for your proud efforts to carry our flag,” ani Cua.
Nasungkit ng Team Philippines ang apat na gintong medalya, dalawang pilak at 12 tanso, na tumapos sa ika-17 puwesto sa dalawang linggong continental tilt sa Hangzhou, China.
Ito ang pinakamataas na ranggo ng Pilipinas mula nang mailagay ito sa ika-14 sa pangkalahatan noong 1994 sa Hiroshima, Japan.
“Not only our medalists, but all 395 athletes who participated deserve all the accolades for a job well done,” ani Cua.
“Marami silang hamon na kinailangan lagpasan para lumaban para sa bansa, ngunit hindi sila nagpatinag at buong-loob na sumugod para sa bayan at sa kanilang kababayan,” dagdag pa ni Cua.
Nangako rin si Cua na magsisikap ang PCSO na makalikom ng mas maraming pondo para sa sports.
Napag-alaman na ang nasabing ahensya ay nag-aambag ng bahagi ng mga nalikom nito sa Philippine Sports Commission para sa sports development program ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act 6847, ire-remit ng PCSO ang kinita ng anim na sweepstakes lottery draw kada taon.
“We are studying how we can raise more funds for the flourishing of sports in our country. Asahan po ninyo na we will do our best to improve on this regard,” giit ni Cua.