PCSO SA LAB FOR ALL CARAVAN AT KADIWA CENTER SA SJDM

NAGING bahagi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pangunguna ni General Manager Melquiades Robles, ng LAB For ALL Caravan na ginanap sa Subic Bay Exhibition and Convention Center.

Kasama rin sa kanilang delegasyon sina Board Directors Jennifer Liongson-Guevara, Janet De Leon-Mercado, at Retired Judge Felix Reyes. Ang kanilang aktibong partisipasyon ay isang patunay ng kanilang dedikasyon sa pag-abot sa mga nangangailangan at paghatid ng serbisyong publiko.

Sa pamamagitan ng kanilang pagkakaisa, ang PCSO ay nagbigay ng 1,500 charitimba (food buckets) bilang suporta sa lokal na komunidad. Ang mga food packs na ito ay naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan at nagsilbing agarang tulong sa mga kababayan nating nasa ilalim ng kahirapan. Hindi lamang dito nagtapos ang kanilang malasakit. Ang PCSO Zambales Branch na pinamumunuan ni Branch Manager Pierre Ferrer ay namigay rin ng libreng lotto tickets sa mga dumalo. Ito ay nagbigay ng kaunting saya at pag-asa sa mga nakinabang.

Bukod dito, ang GIPC Gaming and Amusement Center, ang awtorisadong Small Town Lottery (STL) Agent Corporation ng PCSO sa Zambales, ay nag-donate ng P130,000.00 halaga ng iba’t ibang gamot at bitamina. Ang hakbang na ito ay nagbigay ng karagdagang suporta sa kalusugan ng komunidad.

Ang LAB For ALL Caravan na pinangunahan ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos ay naglalayong maghatid ng libreng serbisyong medikal tulad ng laboratory tests, konsultasyon, at pamamahagi ng libreng gamot.

Kasama rin dito ang iba pang mahahalagang serbisyo mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Ang proyektong ito ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapabuti ng kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan sa buong bansa.

Samantala, isang makabuluhang hakbang tungo sa kaunlaran ng mga magsasaka at mamimili ang pinangunahan nina San Jose Del Monte, Bulacan Lone District Representative Florida Robes at SJDM City Mayor Arturo Robes sa pagbubukas ng KADIWA Center sa kanilang lungsod.

Kasama sa ribbon-cutting ceremony at blessing ang Assistant Secretary for Consumer Affairs at KADIWA Program Head na si Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, at Director of Agribusiness and Marketing Assistance Service na si Junibert De Sagun. Ang bagong KADIWA Center ay simbolo ng pagkakaisa ng pamahalaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. at lokal na mga opisyal sa pagsulong ng interes ng mga magsasaka at mamimili.

Inilunsad ito upang bigyan ang mga magsasaka ng direktang oportunidad na maibenta ang kanilang ani sa merkado.

Nagsisilbing hub ito kung saan maaaring makabili ang mga mamimili ng sari-saring produkto tulad ng highland at lowland vegetables, bigas, itlog, asukal, spices, root crops, prutas, mga produktong pangisdaan, karne, poultry products, canned goods, mantika, condiments, at instant noodles. Ang kumpletong assortment na ito ay nagbibigay ng mas malawak na pagpipilian para sa mga mamimili habang sinusuportahan ang lokal na agrikultura.

Ang inisyatibong ito ay hindi lamang isang hakbang upang maibsan ang kahirapan ng mga magsasaka kundi pati na rin upang matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa abot-kayang mga produkto. Sa patuloy na suporta ng Department of Agriculture (DA), tiniyak nilang magtatayo pa ng iba pang KADIWA Centers sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa ngayong taon.

Aba’y ito ay isang mahalagang hakbang upang mapalawak pa ang abot ng KADIWA program at matulungan ang mas maraming magsasaka at mamimili.