NANAWAGAN ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na makipagtulungan upang masugpo ang operasyon ng “peryahan ng bayan” at arestuhin kahit na sino na masangkot sa ganitong klaseng ilegal na aktibidad.
“Nananawagan kami sa inyong tungkulin upang masugpo natin ang paglipana ng napakaraming Peryahan ng bayan na may kasamang Number games sugalan na kumalat sa ating bansa,” ani PCSO General Manager Mel Robles.
Ito ang nakasaad sa liham ni Robles nitong Agosto 29, sa kabila ng termination ng Deed of Authority mula PCSO kahit mayroong suspensyon ay patuloy pa rin ang kanilang operasyon.
Nakakuha na rin ang Globaltech Mobile Online Corp. mula sa Pasig City Regional Trial Court Branch 161 ng status quo ante order laban sa nasabing termination.
Ang Writ of Execution na inilabas dito ay aktwal na binawi ng parehong hukuman noong 18 Pebrero 2020.
“Katunayan, ang patuloy na operasyon ng mga larong Peryahan ng Bayan ay hindi pinahuhintulutan ng PCSO bilang isang ilegal na laro at ito ay tahasang paglabag sa ating mga batas penal laban sa mga aktibidad ng ilegal na sugal,” dagdag ni Robles.
Sinabi ng PCSO na nilinlang ng Globaltech ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kanila ng pagpapatuloy ng mga laro ng peryahan ng bayan batay sa dapat na pagpapatupad ng status quo ante order.
Isang source na tumangging kilalanin ang nagsabing may ilang tiwaling indibidwal ang nag-ooperate ng peryahan ng bayan sa Calapan City, Mindoro na kahit na may malinaw na utos mula sa PCSO na hindi na ito pinapayagang i-refer sa lokal na pulisya.
Noong nakaraang buwan, sumulat ang sangay ng PCSO Oriental Mindoro sa regional police office para humingi ng tulong sa pagsugpo sa iligal na operasyon ng peryahan ng bayan sa pitong bayan ng lalawigan.
Ang small town lottery ang tanging awtorisado ng PCSO na magpatakbo ng number games sa bansa. ELMA MORALES