PCSO SHARES NG MGA LGU, PAGLAANAN ANG LIBRENG BAKUNA SA MGA BATA – CUA

HINIMOK ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua ang mga local government unit na maglaan ng bahagi ng kanilang PCSO shares upang makatulong na sugpuin ang pagkalat ng vaccine-preventable disease (VPDs) sa mga bata.

“I urge our LGUs to also use your PCSO shares towards immunization so that we can protect the children of our communities from VPDs. Kaya po malawak ang maaaring paggamitan ng shares ninyo upang maituon ang pondo sa mga mahahalagang serbisyo kagaya ng proteksyon ng mga bata laban sa sakit,” ani Cua.

Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO) nananatiling nangunguna ang Pilipinas sa limang bansa na may pinakamaraming bilang ng mga zero-dose o mga hindi nabakunahang mga bata sa buong mundo.

Nabatid sa Department of Health na ang bilang ng mga zero-dose na mga bata sa pagitan ng 2021 at 2022 ay nabawasan mula sa humigit-kumulang 1 milyon hanggang 637,000. Ang saklaw ng bakuna sa buong bansa, gayunpaman, ay mas mababa sa 60 porsyento.

Sinabi ni Cua na ang mga nalikom sa lotto at small town lottery ng LGU ay maaaring idagdag sa ginagawang pagsisikap ng pambansang pamahalaan na makamit ang ideal na 95 porsiyentong vaccine coverage.

“Maaari itong makatulong sa mga parallel at complementary efforts, gaya ng pagsiguro na ang mga nasa geographically isolated and disadvantaged areas ay maaabot ng immunization drive,” ayon kay Cua.

Ayon pa kay Cua, bilang frontline ng paghahatid ng serbisyo, ang mga LGU ay maaaring gumawa ng malaking kontribusyon sa pagkamit ng target ng pagbabakuna ng bansa.

Tumatanggap ang mga LGU ng bahagi mula sa mga nalikom sa lotto at STL ng PCSO, ayon sa ipinag-uutos ng Executive Order No. 357-A na nag-aatas na tanggapin ng mga LGU ang kanilang mga bahagi mula sa Charity Fund, at ang 2020 STL Revised Implementing Rules and Regulations.

Ang mga lungsod at munisipalidad ay tumatanggap ng limang porsyento at ang mga lalawigan ay tumatanggap ng 2 porsyento ng nasabing mga nalikom.

Ang mga nasabing shares ay maaaring gamitin para sa ilang mga pangangailangang pangkalusugan at medikal, kabilang ang mga medical/dental mission; donasyon ng gamot; tulong sa pagpapaospital; pagkuha ng mga medikal na suplay/kagamitan; o milk feeding/nutrition program.

Noong nakaraang taon, nakatanggap ang mga lokal na pamahalaan ng halos P1 bilyon na shares. Ang lotto shares ay nagkakahalaga ng P395,224,629, habang ang STL shares ay nagkakahalaga ng P552,948,639, sa kabuuang P948,173,268.