PCSO TUMANGGAP NA NG ONLINE APPLICATION SA MED ASSISTANCE

Royina Garma

SINIMULAN na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) maging ang pagtanggap ng online application para sa mga humihingi ng tulong medikal sa kanilang tanggapan.

Nabatid na nagtalaga na ang PCSO ng online access para sa National Capital Region (PCSO-NCR), upang tumugon sa medical assistance (confinement) at requests para sa chemotherapy, dialysis, hemophilia at post-transplant medicines.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, nagpasya silang ipagpatuloy na rin maging ang online application upang hindi na mag-punta pa sa kanilang tanggapan ang mga humihingi ng tulong bunsod ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon, na resulta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, sa halip na magtungo sa PCSO office, maari na lamang na bisitahin ng mga nais humingi ng tulong ang kanilang website na www.pcso.gov.ph, i-click ang E-Services at ang NCR Online Application.

Tiniyak rin ni Garma na ipagpapatuloy na nila ang pagproseso ng mga request para sa medical assistance sa publiko, na unang natigil dahil sa pagdeklara ng state of public health emergency sa bansa bunsod ng banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Garma, ipinuproseso na nila ang mga request ng mga medical assistance para sa confinement o pagko-confine ng mga pasyente, gayundin sa outpatient request para sa chemotherapy, dialysis, hemophilia at post transplant medicines, sa PCSO main office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City at sa iba pang sangay ng ahensya sa buong bansa.

Tumatanggap aniya ang kanilang tanggapan ng mga requests simula 9:00 ng umaga hanggang 2:00 lang ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes, dahil sa mga umiiral na alituntunin ng mga Local Government Units (LGUs) bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.