SISIKAPIN ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na marami ang susuporta sa gagawin nilang espesyal na sweepstakes upang makatulong sa paglaban sa malnutrisyon.
“Mayroon tayong annual special sweepstakes alinsunod sa batas para sa nutrisyon. Sisikapin naming mapalaki pa ito para mas marami ang maiambag natin kontra malnutrisyon ng mga batang Pilipino,” ani PCSO chairman Junie E. Cua.
Ang pahayag ni Cua ay sa gitna ng ulat ng World Food Program na mahigit sa 25 porsyento lamang ng mga Pilipinong mag-aaral ang sakop ng programa.
Ang ulat ng “State of School Feeding Worldwide 2022” ng WFP ay nagsiwalat na humigit-kumulang 3.5 milyong mag-aaral, o 27 porsiyento ng populasyon ng mga mag-aaral, sa Pilipinas ang nakinabang sa mga “meal programs” sa paaralan na pinangunahan ng gobyerno noong 2022.
Nangangahulugan ito ng 16 porsiyentong pagtaas mula 2021, kung saan 2.3 milyong mag-aaral lamang ang nakinabang sa feeding program.
Ang PCSO ay inatasan ng Republic Act No. 4621 na magsagawa ng taunang espesyal na sweepstakes para sa benepisyo ng Nutrition Foundation of the Philippines.
Sinabi ni Cua na gagawa ang PCSO ng mga paraan upang mapataas ang kita mula sa NFP sweepstakes, na tradisyonal na gaganapin sa Hulyo.
Aniya, kailangan ng gobyerno ang lahat ng tulong na makukuha nito, lalo na sa karagdagang pondo, para matugunan ang patuloy na isyu ng malnutrisyon, at maaaring mag-ambag ang PCSO hinggil dito.
“Kakausapin natin ang NFP para mas maipromote natin nang maayos ang event na ito. There is room for improvement with regard to ticket sales, as well as in raising public awareness about the very noble intention of this special draw,” ani Cua.
“We will also solicit Pres. Ferdinand Marcos, Jr.’s help, along with our other leaders, in convincing our people to pitch in for the cause of nutrition, and for the other advocacies to which the PCSO contributes,” dagdag pa ng opisyal.