PCUP CARAVAN ISASAGAWA SA BAGO CITY, SULTAN KUDARAT AT LA TRINIDAD

PCUP-2

MAGSASAGAWA ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ng regular nitong caravan sa Bago City, Negros Occidental, Kalamansig sa Sultan Kudarat, at La Trinidad sa Benguet bilang mga target area alinsunod sa pangako ng ahensiya na tulungan ang mahihirap na komunidad sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ang caravan, na binansagang ‘Pinagsama-samang Serbisyo para sa Tao’, ay isang buwanang inisyatibo ng ahensiya na ang layunin ay mapalawig at mapalakas ang kamalayan ng mga urban poor community ukol sa mga programa at serbisyong pinagkakaloob ng PCUP at buong pamahalaan at maihatid din ang mga ito ng direkta sa mga maralita nating kababayan sa pamamamagitan ng mas malawak na pamamaraan ng partisipasyon.

Sa nakalipas, matagumpay na nakapagbigay ang caravan ng mga serbisyo nito sa mga residente sa mga napiling lungsod at munisipalidad hanggang sa barangay level na kung saan ang mga mahihirap ay nabigyan ng mas madali at mabilis na access sa mahahalagang serbisyo at transaksyon mula sa kaukulang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Land Transportation Office (LTO), Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), at iba pa.

Ayon sa bagong talagang chairperson ng PCUP na si Elpidio Jordan Jr., ang caravan ay kaakibat ng adhikain ni Pangulong Marcos Jr. para sa pantay at inklusibong pamamahala na makapagdadala ng basic services mula sa pambansang pamahalaan patungo sa masa upang maramdaman nila ang presensya ng kanilang gobyerno na handang tumulong at umayuda sa kanila.

“We want the people to feel that their government is there, ready and able to provide for them the services that they need,” saad ni Jordan. BENEDICT ABAYGAR, JR.