PCUP CHAIR NANGAKONG SUSUPORTAHAN ANG POVERTY ALLEVIATION EFFORTS NG ADMINISTRASYONG MARCOS

NAGPAHAYAG  ng matibay na suporta si Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson Elpidio Jordan Jr. sa adhikain ng bagong administrasyon na pababain ang poverty rate sa siyam na porsiyento sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa taong 2028.

Alinsunod dito, agad na sinimulan ng bagong talagang PCUP Chairperson ang pagpapaigting ng mga programa at aktibidad ng ahensiya na may layuning tuparin ang mandato nitong isulong ang kapakanan ng mga maralitang tagalungsod sa buong bansa, partikular na sa National Capital Region (NCR) at Kalakhang Maynila na kung saan karamihan ng mahihirap na pamilya ay dumagsa sanhi ng pag-asang bubuti ang kanilang pamumuhay.

Kaugnay nito, nakipagpulong kamakailan si Jordan sa mga kinatawan ng mga informal settler families (ISFs) ng Pangarap Village sa Caloocan City sa pangunguna ni Barangay 181 chairman Bernardo Quiboy sa kanyang tanggapan sa Quezon City upang pag-usapan ang kanilang sitwasyon sa gitna ng mga ulat na nakararanas sila ng panggigipit mula sa security personnel ng property owner na Carmel Development Incorporated (CDI).

Nakasama sa nasabing pagpupulong si incoming NCR commissioner Rey Galupo na nag-alok na siya na mismo ang magsasagawa ng pamamaraan upang maresolba ang usapin sa pamamagitan ng personal na pakikipag usap sa management ng CDI at ang lokal na pulisya at gayun din ang lahat ng iba pang mga stakeholder para mabawasan ang tension sa pagitan ng mga maralita at nagmamay-ari ng Pangarap Village.

Malugod na tinanggap ni Jordan ang alok ni Commissioner Galupo na pangunahan ang naturang usapin at inaasahan niyang magbibigay daan ito ng mapayapang solusyon sa problema at magwawakas ng isang ‘win-win’ situation para sa magkabilang panig.

“Ito ang role namin dito sa PCUP—ang matulungan ang lahat at maresolba ang mga problemang kinakaharap ng ating mga maralitang tagalungsod na kadalasan ay naaagrabyado subalit kasabay nito ay kailangan din nating matiyak na ang lahat ng ating kilos ay alinsunod sa batas dahil ang lahat ay pantay-pantay na may mga karapatan sa ating lipunan,” pinunto ng PCUP chairperson.