PCUP MINI CARAVAN, MULING AARANGKADA PARA SA MARALITA

MULI na namang aarangkada upang maghatid ng pinagsama-samang serbisyo para sa tao ang Mini-Caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na magsisimula ngayong Hulyo 2021.

Ito ay isa sa Three (3) Priority Programs na isinusulong ni PCUP Chairman at CEO, Usec. Alvin Feliciano na kung saan ang mga serbisyo ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at mga pribadong sektor ay inilalapit sa mga komunidad ng maralita para makapagbigay ng tulong at akses sa mga pangunahing programa ng gobyerno.

Nito lamang Hulyo 2 ay muling nagtipon-tipon sa isang virtual coordination meeting ang PCUP at  partner agencies nito upang isapinal ang mga serbisyo at programang ibababa sa mga komunidad na dadayuhin ng PCUP Mini-Caravan. Kabilang sa mga ahensiyang ito ay ang DSWD, TESDA, DTI, NBI, LTO, PAO, DOLE, DOH, PSA, AFP, PCSO, PAGCOR, at Grab Philippines na nagpabatid ng buong suporta nito para sa pagsasakatuparan ng nasabing caravan.

Ayon sa inilatag na datos ng Komisyon, iikot ang PCUP Mini Caravan ngayong taon sa 33 lungsod at probinsya mula sa Kalakhang Maynila, Luzon, Visayas, Mindanao, at resettlement sites.

Kumpiyansa si Usec. Feliciano na magiging maganda ang resulta ng nasabing programa kahit pa maraming mga limitasyon at restriksiyon ang hatid ng pandemyang COVID-19.

Samantala, sisiguruhin naman ng PCUP Mini-Caravan National Team na istriktong nakasunod sa mga itinakdang health protocols ng IATF ang pagsasagawa ng programa para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga lalahok mula sa banta ng COVID-19.

Bukas para sa mga katanungan ang official facebook page ng PCUP via facebook. com/PCUP Official kaugnay sa nalalapit na Mini-Caravan nito. Naka-post din dito ang kabuuang detalye ng mga serbisyong ihahatid nito pati na ng mga kapartner na ahensiya. BENEDICT ABAYGAR, JR 

Comments are closed.