(PCUP nagbabala sa LGUs) ‘DI MAGBIBIGAY NG RELOKASYON KAKASUHAN

DULOT ng kabi-kabilang kaso ng demolisyon at ebiksyon na nagaganap sa Kalakhang Maynila at iba pang parte ng bansa kahit sa panahon ng pandemya, nagbabala si Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson at CEO, Usec. Alvin Feliciano sa local government units (LGUs) na hindi nagbibigay ng relokasyon o financial assistance sa mga informal settler families (ISFs) na apektado ng demolisyon.

Binigyang diin ni Usec. Feliciano na ang hindi pagbibigay ng relokasyon o financial assistance ng mga LGU sa mga naapektuhang pamilya ng demolisyon at ebiskyon ay taliwas sa isinasaad ng Section 28 ng Republic Act 7279 o mas kilala bilang Urban Development and Housing Act (UDHA) ng 1992 para sa isang makatao at makatarungang demolisyon.

Malinaw na nakasaad sa naturang batas na kung ang mga umookupa sa isang lote o lupa ay isang “underprivileged and homeless” na kailangang mademolis o papaalisin, nararapat lamang na bigyan muna ang mga maaapektuhang pamilya ng relokasyon ng LGU na sumasakop nito o ‘di kaya’y ang pagkakaloob sa mga ito ng tulong pinansyal upang makapagsimulang muli.

Ngunit sa kabila ng mga probisyong ito, may mga makukulit at pasaway pa ring LGUs ang hindi sumusunod sa itinakda ng batas.

Kaya naman, handa ang PCUP na magsampa ng kaso laban sa mga lokal na pamahalaan ng lungsod at munisipalidad hindi lamang sa bahagi ng Kamaynilaan, kundi maging sa buong panig ng bansa bilang babala na rin sa mga ito sa hindi pagsunod sa atas ng UDHA. Binigyang diin ni Feliciano ang nakasaad sa Executive Order No. 152 na may kaugnayan sa Section 45 ng UDHA bilang bahagi ng mga gampanin ng PCUP na may kakayahan itong magsampa ng kaso laban sa sinumang lalabag o lumabag sa mga probisyong isinasaad sa Section 28 ng UDHA.

“Tututukan po ng PCUP at sasampahan ng nararapat na kaso ang mga LGU na hindi nagbibigay ng relokasyon o financial assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng demolisyon at ebiskyon na kanilang sakop,” dagdag ni Feliciano.

“Sa panahon ng pandemya, lubhang kaawa-awa ang sitwasyon ng mga pamilyang nawalan ng bahay at tirahan, kaya pakiusap namin sa mga lokal na pamahalaan, ibigay natin ang tulong at subsidy na kailangan ng mga nabiktima ng demolisyon at ebiksyon,” dagdag pa niya.

Matatandaang nagimbal ang mga residente ng Sitio Kawad, Sta. Rosa, Laguna nito lamang Hunyo 9 nang walang habas na idemolis ang kanilang mga kabahayan. Ang mas masaklap dito, wala man lang relokasyon na ibinigay ang kanilang LGU.

Agad namang umaksiyon ang PCUP at dali-daling lumiham sa Sheriff at sa Philippine National Police (PNP) upang paalalahanan ang mga ito na may paglabag sa batas ang naganap na demolisyon.

Ayon sa ulat ng mga PCUP Area Coordinators na nakasaksi sa insidente, mahigit 100 mga kabahayan ang naapektuhan ng demolisyon samantalang 62 lamang na pamilya ang nakadalo sa isinagawang PDC ng PCUP at nabigyan ng PDC Certificate noong pang 2019 at “wala pang pandemya”. Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang PCUP sa lokal na pamahalaan ng Sta. Rosa, Laguna upang igiit ang pagbibigay ng relokasyon o financial assistance sa mga pamilyang nawalan ng tirahan ngayong panahon ng pandemya.

Mas paiigtingin naman ng PCUP ang pagmo-monitor nito sa lahat ng mga aktibidad ng demolisyon at ebiksyon sa bansa upang siguruhing nakasusunod ang mga LGU sa mga itinakdang probisyon ng batas para sa isang makatarungan at makataong demolisyon. BENEDICT ABAYGAR, JR.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *