PCV ‘DI DAPAT MATULAD SA DENGVAXIA

Dr Lulu Bravo

HINDI dapat matulad sa nangyaring Dengvaxia medical crisis ang kasalukuyang umiinit na usapin sa pagbili ng pneumonia vaccines, ayon sa isang vaccine expert at transparency at parenting advocates.

Ginawa ni Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, ang pahayag bilang tugon sa mga pahayag din kamakailan nina dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Congresswoman Janette Garin at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na kumukuwestiyon sa pagsuspinde ng Department of Health (DoH) sa bidding sa pagbili ng bakuna para sa pneumonia.

Idinagdag pa ng dalawang mambabatas na ang PCV 13 ay ang mas mabisang bakuna kumpara sa PCV 10 at isa umanong hakbang paatras ang mangyayari kapag kinonsidera ng pamahalaan ang PCV 10.

Ayon kay Bravo, ang pahayag na ito nina Garin at Defensor ay taliwas sa pinakabagong findings ng World Health Organization (WHO) na dalawang ulit nang nagsabing ang PCV 10 at PCV 13 ay magkatulad lamang ng bisa at walang ebidensiyang magpapatunay na may mas magaling sa dalawa.

Sinabi ni Bravo na noong 2017 ay naglabas na ang WHO ng findings na nagsasabing walang ebidensiya ng pagkakaiba sa net impact sa pangkalahatang disease burden sa pagitan ng PCV 10 at ng PCV 13. Ang findings ay inilabas ng WHO kasunod ng isinagawa nilang masusing systematic literature review.

Inulit ng WHO ang kanilang findings nito lamang Pebrero 2019 at iginiit ang pagkakatulad lamang ng dalawang bakuna.

Ayon pa kay Bravo, hindi lamang ang WHO ang nagpapatunay sa magkatulad na bisa ng PCV 10 at PCV 13 kundi maging ang dalawa pang global health experts na Pan-American Health Organization (PAHO) at  International Vaccine Access Center (IVAC).

Sinagot din ni Bravo ang naging pahayag ng Israeli-based expert na si Ron Dagan na nagsabi ring mas mahusay na bakuna ang PCV 13 kontra sa PCV 10.

Ayon kay Bravo, kaibigan niya si Dagan at kinikilala niya ang pagiging eksperto nito bagama’t hindi, aniya, magkatulad ang epidemiology ng bawat bansa kaya hindi nito maaaring sabihin na ang bakunang angkop para sa Amerika ay Europa ay katulad din ng magiging bisa sa Filipinas.

Anumang impormasyong taliwas umano sa findings ng mga nabanggit na global experts ay nagdudulot lamang ng kalituhan sa publiko at nakakadagdag sa misinformation, tulad na lamang umano ng nangyari sa isyu ng Dengvaxia na hindi lamang nagdulot ng malawakang kalituhan kundi naging dahilan din upang magkaroon ng vaccine scare sa bansa.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni dating Bulacan Governor at ngayon ay Medicines Transparency Alliance (MeTA) Chairman Obet Pangdanganan na kailangan ng transparency at good governance sa pagbili ng PCVs upang maiwasang maging isa na namang  kaso ito katulad ng Dengvaxia.

“Dapat matuto na tayo ng leksiyon at hindi hayaang ang pneumonia vaccine issue ay matulad sa Dengvaxia. Nagsalita na ang WHO at iba pang global experts na magkatulad ang dalawang bakuna kaya ngayon ay dapat nating siguraduhin na ang government procurement naman ay tatalima din sa open, competitive bidding process,” ani Pangdanganan.

Magugunitang sinuspinde ng DOH ang bidding sa pagbili ng pneumococcal vaccines na nagkakahalaga ng P4.9 bilyon dahil ang naunang tender ay may specifications na tugma lamang para sa isang supplier.

Comments are closed.