OPEN, COMPETITIVE BIDDING IGINIIT BAGO MAGKAUBUSAN NG BAKUNA
BINUWAG ng Department of Health (DOH) at ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang monopolyo sa child pneumococcal vaccines (PCVs) nang payagan nito ang dalawang PCVs sa merkado na lumahok sa tender para sa bakuna laban sa child pneumonia, ang nangungunang killer disease sa mga batang may edad 5 at pababa.
Tinukoy ang bagong ebidensiya ng World Health Organization (WHO) sa comparability at potential savings, ang inisyal na desisyon ng HTAC ay pinuri ng Kongreso.
Pinapurihan ni Congresswoman Angelina Tan, chair ng House committee on Health, ang DOH at ang HTA at sinabing isa itong ‘welcome development’ at ang DOH ay nasa tamang direksiyon.
Ayon kay Tan, dahil sa HTAC, ang bansa ay mayroon na ngayong lugar para sa malalimang talakayan sa mga bagay na nakaaapekto sa mga programang pangkalusugan, lalo na ang immunization programs.
Sa mga naunang panayam bago ang pagpapalabas ng desisyon ng HTAC, inihayag ni Tan ang kanyang posisyon na nananawagan para sa open at competitive bidding sa PCV. Ito ay makaraang maglabas ang WHO ng bagong ebidensiya na nagsasaad na ang dalawang bakuna sa merkado – PCV 10 at PCV 13 – ay magkatulad ng bisa at walang pinagkaiba sa nagagawa nitong pagsugpo ng pangkalahatang pneumococcal disease sa mga bata.
“Breaking the monopoly of procurement on the PCVs will entail savings on costs,” sabi ni Tan. Angkop ito sa panahon ng pandemya na tumama sa global economies, kabilang ang Filipinas.
“Both vaccines exist. If the health assessment proves that both PCV10 and PCV13 have the same effects, then we need to go through a procurement process that’s open and competitive so the government can save on costs,” anang kongresista.
Ang pahayag ni Tan sa savings ay pinagtibay sa HTAC report na nagpapahintulot sa dalawang PCVs sa merkado na maging bahagi ng competitive bidding. Ang PCV10, isang mas mura subalit ‘equally effective’ PCV option ay inaprubahan ng Philippine FDA na may mga indikasyon para sa lahat ng serotypes na nakasaad sa HTAC recommendation. Ang isa pang PCV na kasalukuyang ginagamit ang pinakamahal na bakuna sa National Immunization Program (NIP) sa P4.4 billion na mahigit kalahati ng P7.2 billion budget ng NIP para sa 2020.
Bukod dito, sinabi sa HTAC report na pinahahalagahan ng Council ang kahilingan ng komunidad para sa mas mataas na coverage at kakayahan na ma-access ang health intervention upang makamit ang pagkakapantay-pantay sa kalusugan, na higit na matutugunan sa pagkakaroon ng mas murang bakuna.
Inatasan ng DOH ang HTAC na repasuhin ang dalawang PCVs noong nakaraang Nobyembre makaraang maghain ang WHO ng bagong ebidensiya sa vaccine comparability at sinabing walang scientific evidence na nagpapakita ng anumang pagkakaiba sa epekto ng dalawang bakuna sa pagsugpo sa child pneumonia.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Health Secretary Francisco T. Duque III na sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) Law, ang HTAC ay may mandatong rebyuhin ang mga umiiral na health programs at ang mga benepisyo ng DOH at PhilHealth sa susunod na dalawang taon.
Idinagdag niya na ang pagrebyu ay sa harap ng scientific evidence at ng mahalagang budget impact ng partikular na bakunang ito sa DOH.
Sa inisyal na desisyon na ipinalabas ng HTAC noong nakaraang Hulyo 1, sinabi nito na maaaring makatipid ang gobyerno ng P8 billion pagdating sa halaga ng bakuna kapag ang PCV 10 ang pinili.
Sinuportahan ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagsabing ang HTAC review upang buksan ang tender para sa dalawang bakuna ay maaaring makabuti sa paglalaan ng budget para sa isa pang bakuna sa Expanded Program for Immunization (EPI).
Ang HTAC review na tumagal ng halos walong buwan ay nagresulta sa pagkakaantala ng open competitive bidding tungo sa pagbili ng PCVs, na ang suplay ay nauubos na sa ilang mga lugar.
Dahil dito ay muling ipinanawagan ang open at competitive bidding para sa PCVs.
Sinabi ni Public health expert Dr. Jun Belizario, Dean ng University of the Philippines College of Public Health (UPCPH), sa isang forum kamakailan na sa gitna ng pandemya, ang Filipinas ay patuloy na ginagambala gayundin ng iba pang mga sakit na dapat pagtuunan ng pansin.
Ganito rin ang nilalaman ng House Resolution 906 na inihain nina party-list Representatives Adriano Ebcas, Presley de Jesus, Sergio Dagooc at Godofredo Guya, na humihikayat sa DOH na tiyakin ang patuloy na ligtas na pagpapatupad ng mandated immunization program para sa mga bata sa kabila ng mga hamong kinakaharap dulot ng COVID-19 pandemic.
Comments are closed.